Mga biktima pinangakuan ng malaking halaga SERIAL RAPIST TIMBOG SA ENTRAPMENT

INIULAT ni Quezon City Police District (QCPD) Director, P/BGen. Remus B. Medina ang pagkakaaresto ng suspek sa serye ng panggagahasa noong Marso 7, 2020 sa Caloocan City.

Batay sa ulat ng Pasong Putik Police Station (PS 16), sa pamumuno ni P/Lt. Col. Richard Mepania, bandang 2:30 ng hapon noong Marso 7, 2022, naaresto ang suspek na kinilalang si Alexander Yu, 42, ng Amparo Subdivision, Quezon City.

Ayon sa biktima, nakatanggap siya ng chat message mula sa messenger account ng nagngangalang Mary Ann Dela Cruz at nag-alok ng P25,000 kada buwan at P3,000 na allowance kada linggo.

Pinangakuan din ng suspek ang biktima ng iPhone 7 na cellphone kapalit ng kondisyong pakikipagtalik sa loob ng tatlong oras at binanggit ang mga katagang “Sundin mo lang ang gusto ng sponsor at alam mo na ‘yun sex at agad-agaran kong ibibigay sa ‘yo ‘yung pera, pero dito sa bahay ko mismo.”

Nang mapag-alaman ng biktima na ang suspek din ang gumahasa at tumangay ng cellphone ng kanyang kaibigan at iba pang mga menor de edad, nagpasya silang i-report ito sa himpilan ng pulisya.

Agad namang umaksyon ang mga operatiba ng Station Women and Children Concern Section (SWCCS) at agarang pumunta sa Petron Gasoline Station sa Caloocan City para sa ikinasang entrapment operation na naging dahilan upang maaresto ang suspek.

Mahaharap si Yu sa kasong paglabag sa RA 8353 o rape, child abuse o paglabag sa RA 7610, at robbery o paglabag sa Article 294 ng Revised Penal Code.

Samantala, patuloy ring iniimbestigahan ang isa pang suspek na sumuko sa himpilan ng Pasong Putik Police Station na hinihinalang may kaugnayan sa nasabing kaso. (JOEL O. AMONGO/ALAIN AJERO)

211

Related posts

Leave a Comment