PULIS, LGUs SA CAVITE NAGHANDOG NG DUGO

MATAPOS ang halos dalawang taon na lockdown, umariba ang paghahandog ng dugo ng 300 na indibidwal mula sa hanay ng Cavite Police, Cavite Scene of the Crime Operatives (SOCO), Local Government Units, Non-Government Units at volunteers sa isang bloodletting event sa Imus City, Cavite kahapon ng umaga.

Ang aktibidad ay inorganisa ng Fraternal Group (Gamma Epsilon 1963 International Fraternity and Sorority Cavite Alumni Association), katuwang ang Philippine Red Cross na matagal nang nangangailangan ng blood donations.

Umaasa ang tagapagsalita ng Fraternal Group na makalilikom sila ng 70 bags ng dugo mula sa donors upang ipagkaloob ito sa Philippine Red Cross (PRC) matapos aminin ng huli na hirap at kinakapos sila sa blood donation sa kasagsagan ng pandemya noong nakaraang taon

Ayon naman kay P/Major Oliver Dechita, hepe ng SOCO-Cavite, na tumulong sa pag-organisa sa hanay ng pulisya, malaking bagay na kabilang ang probinsiya ng Cavite na sumailalim sa Alert Level 1 dahil sa maluwag na galawan kaya marami sa kanilang hanay ang nakasama para sa bloodletting event.

Ipadadala sa Red Cross-National Headquarters sa Mandaluyong City ang mga nakolektang dugo, at sasalang sa series of test bago ito mabigyan ng clearance kapag pwede nang ipagamit sa nangangailangang mga pasyente.

Bukod sa bloodletting, may side event din ang Imus LGU TechVoc School na nagsagawa ng libreng masahe sa mga donor. (SIGFRED ADSUARA)

256

Related posts

Leave a Comment