PARA sa Malakanyang, panahon na para rebyuhin ng Kongreso ang Oil Deregulation Law.
Kasunod ito ng patuloy na pagtaas sa presyo ng langis at global supplies na tinamaan ng nagpapatuloy na labanan ng Russia at Ukraine.
Sa isang panayam, sinabi ni Acting Cabinet Secretary Melvin Matibag na nakatakdang talakayin ng Department of Energy (DOE) at Department of Finance (DOF) kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte, Martes ng gabi ang panawagan na suspendihin ang fuel excise tax kasunod ng fuel price hikes na ipinatutupad linggo-linggo.
Nitong Martes, nagpatupad ng panibagong major price hike ang mga kompanya ng langis. Ito ang pang-11 “straight week” ng pagtataas sa domestic pump prices kung saan pumalo sa P84.55 kada litro sa ilang piling lugar sa bansa.
Ang presyo kada litro ng gasolina ay tumaas ng P7.10; diesel ng P13.15, at kerosene ng P10.50, epektibo, Marso 15.
Nauna rito, hiniling ng Malakanyang sa Kongreso na pag-aralan ang Oil Deregulation Law.
Ito ang isa sa mga solusyon ng bansa para maging handa sa mga epekto ng sigalot ng Ukraine at Russia, na inaasahang lalatay sa presyo ng langis sa world market.
Bilang tugon, sinimulan na ng House committee on energy ang pagdinig sa panukalang amyendahan ang Republic Act No. 8479 na mas kilala bilang Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998.
Kahapon ay inilarga ni Pampanga Rep. Mikey Arroyo, chairman ng nasabing komite ang pagdinig sa mga panukalang batas na karamihan ay ilang taon nang nakahain sa Kamara, para maamyendahan.
Kabilang sa mga panukala ang House Bill (HB) 10505 na inihain mismo ni Arroyo na naglalayong isapubliko ng mga kumpanya ng langis ang kanilang gastos at kita sa bawat litro ng kanilang mga produkto upang malaman kung overpriced ang mga ito o hindi.
Nais ding ipatigil na ang nakagawian ng mga kumpanya ng langis na nagtataas ng presyo kapag may paggalaw sa world market kahit nabili nila ang mga supply sa mas murang halaga.
Ikinatuwa ng naman ng minorya ang aksyon ng nasabing komite upang maproteksyunan anila ang mga consumer laban sa pagsasamantala ng mga kumpanya ng langis.
“This is an initial step at the right direction so that we may at least see the true price of oil and not be hidden by the oil companies,” ani House deputy minority leader Carlos Zarate sa nasabing pagdinig.
Isang kongresista rin ang nanawagan para sa kolektibong pagkilos para sa pagbalangkas ng planong tutugon sa epekto ng pandemya at krisis sa langis.
Kalakip ng resolusyong inihain sa Kamara, iginiit ni Quezon City Rep. Alfred Vargas ang pagkakaisa ng iba’t ibang sektor ng lipunan at mga tanggapan ng pamahalaan para sa napapanahong pagkakaisa para labanan ang nakaambang pagdurusa ng mga maralitang masa.
Ayon pa kay Vargas na tumatayong chairman ng House committee on civil service, isang “whole-of-government, whole-of-nation approach” ang kailangang maikasa sa lalong madaling panahon sa hangaring pangalagaan ang interes ng mga konsyumer.
“The social and economic impact of the war in Ukraine is being felt worldwide. It could lead to another great disruption, on a scale that could be similar to the pandemic,” aniya.
Target ng resolusyon na himukin ang civil society, sectoral groups, at private sector kasama ang gobyernong kakatawanin ng Department of Trade and Industry (DTI), Department of Local and Interior Government (DILG), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Energy (DOE) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na lumahok sa kolektibong pagbalangkas ng mga hakbang para tiyakin ang kapakanan ng mas nakararami. (CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)
225 