PPA BINUKING SA PAGTATAAS NG TARIPA

MAKAILANG ulit umanong nahuling nagsisinungaling ang Philippine Ports Authority (PPA) ukol sa malaking pagtaas ng taripa na magdudulot ng taas-presyo ng mga pangunahing bilihin habang patuloy ang pandemya sa bansa.

Simula 2021, isa-isa nang pinapalitan ng PPA ang mga namamahala ng mga pantalan sa kabila ng matagal at magandang serbisyong naibigay nito.

Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni PPA General Manager Jay Daniel Santiago, “Doon po sa mga prime commodities, halimbawa sa isang sako ng bigas, mula isang sentimo hanggang singko sentimos lang ang ipagbabago (ng presyo).”

Makikita na ang taripa sa bigas, halimbawa sa Tacloban, ay tumaas ng 50% mula sa P4.85 hanggang P7.28 kada bag. Samakatuwid, hindi kapani-paniwala na ang pagbabago sa presyo ng bigas, ay aabot lamang sa isa hanggang singko sentimos kada sako. Sa Puerto Princesa, ang di-makatwirang taas ng taripa ay posibleng magdala ng tripleng taas ng asukal at iba pang pangangailangan.

Ayon kay Dean Dela Paz, dating investment banker at propesor sa Business Policy, Finance at Mathematics, ang pagtaas ng taripa ay natural na papasanin ng mga mahina at walang kalaban-labang mamimili. Ang tanong ay tumutugon ba sa interes at kapakanan ng publiko ang matinding taas ng mga taripa?

Sinabi rin ni Atty. Santiago, “Tumaas at nag-adjust ang taripa dahil nga tumaas na ang inflation rate natin. Ang basehan kasi niyan ay yung Consumer Price Index (CPI).”

Pinabulaanan naman ito ni Propesor Dean Dela Paz. “Sa payak at mabilisang pakukuwenta, hindi CPI ang nagbunsod (ng pagtaas ng taripa) dahil ang pinakamababang naiulat na pagtaas ay 240%. Kung ang basehan ay taong 2012, ang inflation rate ay pumaibabaw sa pagitan ng 4.2% hanggang 3.6%, saad ng propesor.”

Nang tanungin si Atty. Santiago kung pwedeng mag-status quo muna dahil hindi pa nakakabangon ang bansa, sinabi niya, “Pag-aaralan natin yan.  Ipinapangako ko sa inyo na babalikan yan at rerepasuhin, titingnan kung ano talaga ang mas makakabuti sa mga kababayan natin.”

Ngunit sa halip umanong pag-aralan at repasuhin ang taas-taripa sa pantalan, inaapura ng PPA ang bid-out ng iba pang pantalan kasabay ang pagtaas ng taripa. Ngayon, bago matapos ang Duterte administration at PPA leadership, pinagpipilitan ng PPA na itaas ang mga taripa hindi lamang sa Tier 3 kundi pati na rin sa mga Tier 2 na pantalan.

Sa tanong kung bakit pinayagan ng PPA na magtaas ng taripa sa gitna ng kahirapan dulot ng pandemya, sabi ni Atty. Santiago, “Ang mga proseso kasi natin kapag expired na ang kontrata ay ino-open bidding natin yan.”

251

Related posts

Leave a Comment