4 TIMBOG SA DRUG OPERATION SA TONDO

APAT na indibidwal ang binitbit ng mga awtoridad sa inilatag na buy-bust operation sa Tomas Mapua St. sa Tondo, Manila noong Linggo ng umaga.

Kinilala ang target ng operasyon na si John Paul Varona y Pagudar, binata, jobless, ng Brgy. 11, Tondo.

Arestado rin ang tatlong umano’y kasabwat nito na sina Regina Garino, 50; Shirly Nicolas, 45, at Angela Quirimit, 18-anyos.

Base sa ulat na isinumite ni P/Cpl. Mark Anthony Navarro kay P/Lt. Col. Robert Domingo, commander ng Manila Police District- Jose Abad Santos Police Station 7, bandang alas-7:00 ng umaga nang magsagawa ng anti-drug operation sa Tomas Mapua St. sa Tondo

Ayon kay P/Lt. Joan Durado, hepe ng Station Drug Enforcement Unit ng MPD- Station 7, isa sa kanyang team ang nagkunwaring bibili ng shabu.

Nang magkaabutan ay agad dinamba ng mga operatiba ang mga suspek na nakumpiskahan ng 75 gramo ng umano’y shabu na tinatayang P510,000 ang street value.

Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165. (Comprehensive Drug of 2002). (RENE CRISOSTOMO)

208

Related posts

Leave a Comment