WALANG HABOL

MATAGAL nang usap-usapan ang garapalang paggamit ng party-list system ng mga prominenteng pamilyang pasok sa pulitika at maging ng mga hangad lang ay magsamantala sa sektor na kinakatawan sa Kamara.

Nang gawing batas ang paghahalal ng mga kinatawan sa ilalim ng party-list system, binibigyang tinig ang iba’t ibang sektor ng lipunang tila napag-iiwanan, kung hindi man nakaliligtaan ng pamahalaan.

Ang siste, naging daan lamang ang party-list system ng ilang mapagsamantalang poder lang ang puntirya, mga matakaw na naglalaway sa pondo ng pork barrel, mga naghahangad na pabagsakin ang gobyerno at maging ang administrasyong target na kontrolin ang Kamara.

Ilan nga ba sa party-list representatives ang ­tunay na naninindigan sa sektor na kanilang kinakatawan?

Sa hanay ng mga hayok sa pwesto, sukdulang katawanin nila ang sektor na hindi nila kinabibilangan. May sectoral representatives na kumakatawan sa guwardiya, guro, media, obrero, kababaihan, maralita, artista, may kapansanan, magsasaka, ­senior citizens, kontra-komunista, galit sa droga, at iba pang sektor na malayo naman sa kanilang mga linya.

Sa isiniwalat na datos kamakailan ng grupong Kontra Daya, lumalabas na pito sa 10 party-list group na kalahok sa nalalapit na halalan sa Mayo, pawang palsipikado at ginagamit lang na instrumento ng mga ganid sa poder at pwesto.

Mayroon din ilan sa kanila ang nahaharap sa samu’t saring asunto.

Sa halip na tugunan ang panawagan ng grupong Kontra Daya, ang isinagot ng Commission on Elections (Comelec) – wala na silang magagawa lalo pa’t nabigyan na nila ng accreditation ang tinukoy na ­party-list groups na bahagi na ng inililimbag na balotang gagamitin ng mga botante sa Mayo.

Ang totoo, sadyang wala nang magagawa ang Comelec. Subalit kailangang aminin din ng nasabing ahensya ang kanilang pagkukulang sa nasabing isyu at ilantad ang prosesong ginamit sa pagbibigay akreditasyon sa party-list groups na kanilang ­pinahintulutang sumali sa eleksyon sa Mayo.

Sa panig ng Kontra Daya, dapat isapubliko ang talaan ng mga pekeng party-list groups para naman magabayan ang mga botante laban sa mga utak-sindikatong atat na atat maupo sa Kongreso.

Hindi uubrang puro patutsada. Kailangan lakipan ng sustansya.

138

Related posts

Leave a Comment