6 BAYAN SA QUEZON ELECTION HOTSPOTS

LUCENA CITY – Anim na bayan sa lalawigan ng Quezon ang itinuturing na “hotspots” ngayong halalan.

Ayon kay Colonel Joel Villanueva, Quezon Police chief, ang bayan ng Infanta at Mulanay, ay nasa ilalim ng kategoryang “yellow” dahil sa napatalang insidente ng mga karahasan kaugnay sa eleksyon.

Si Infanta Mayor Filipina Grace America ay pinaulanan ng bala ng isang lalaking armado ng kalibre .45 na baril habang lulan ang alkalde sa sasakyan sa kabayanan noong Pebrero 27.

Mabilis na tumakas ang lalaki pagkatapos ng pamamaril. Himalang nakaligtas si America sa tangkang pagpatay sa kabila ng apat na tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Sa paliwanag ni Villanueva, nakasama sa listahan ang Mulanay dahil sa mga insidente ng karahasan na may kaugnayan sa eleksyon noong 2019 at 2016.

Ang apat na bayan — General Nakar, General Luna, Lopez at Catanauan – ay nasa ilalim naman ng kategoryang “orange” dahil sa napaulat na presensya ng mga komunistang New People’s Army (NPA) sa nasabing mga lokalidad.

Ang apat na lugar ay pinangyarihan din ng mga sagupaan ng mga tropa ng estado at rebeldeng NPA, ayon pa kay Villanueva. (NILOU DEL CARMEN)

100

Related posts

Leave a Comment