2 PATAY, 6 SUGATAN SA TRUCK VS JEEP

QUEZON – Patay ang driver at isang pasahero nang ang sinasakyang jeep ng mga ito ay makasalpukan ang kasalubong na wing van truck sa Maharlika highway sa bayan ng Tiaong sa lalawigang ito, dakong alas-12:00 ng madaling araw noong Huwebes.

Kinilala ang mga biktimang namatay na sina Onofre Murphy, 69, at Arnold Tolentino, parehong residente ng Barangay Lalig, Tiaong.

Batay sa report ng Tiaong Police, nawala sa kontrol ng driver ang jeep na inararo ang concrete barrier sa gilid ng kalsada hanggang sa napunta sa linya ng kasalubong.

Bunsod nito, nasalpok nito ang kasalubong na wing van truck na minamaneho ni Danilo Montero na noon ay patungo sa direksyon ng San Pablo City.

Sa lakas ng impact, nasugatan din si Montero at ang pahinante nito na si Ronilo Jabonero, 50-anyos, parehong taga Lucena City.

Isinugod din sa ospital ang nasugatang mga pasahero ng jeep na sina Leonida Nañar, 58; Hanna Trixie Angeles, 13; Mark Henry Tolentino, 15, at Neilmar Mercado, 16, lahat ay taga Barangay Lalig.

Pareho namang idineklarang dead on arrival sa ospital sina Murphy at Tolentino. (NILOU DEL CARMEN)

261

Related posts

Leave a Comment