SA dami ng suliraning kinakaharap ng bansa dulot ng lugmok na kabuhayang iniwan ng pandemya at krisis sa ekonomiya, nakalulungkot isiping laganap ang mga pag-abuso ng institusyong dapat sana’y pinoprotektahan ang mamamayan.
Nang balangkasin at isinabatas ang Republic Act 6975 of 1990, tuluyang nilansag ang Philippine Constabulary (PC) at Integrated National Police (INP) dahil sa laganap na pag-abuso at ipinalit ang Philippine National Police (PNP) sa hangaring iwasto ang mga maling kalakaran sa hanay ng unipormado.
Subalit taliwas sa inaasahan, naipasa lang ang kultura ng pag-abuso na tila pangalan lang ang nabago. Dangan naman kasi, kinopya lamang ang istruktura gayundin ang sistemang umiiral sa nasabing institusyon.
Ang mga pulis, mistulang hawak pa rin ng mga pulitikong kunsintidor sa mga ilegal na aktibidades sa nasasakupang teritoryo. Katunayan, naging kalakaran ang pag-arbor ng mga pumapadrinong pulitiko sa mga nasasakoteng bulilyaso – tulak ng ilegal na droga, ilegal na pasugalan at marami pang iba.
Sa isang banda, tumutugon naman ang mga pulitiko sa mga pangangailangan ng mga unipormado – sasakyan, gasolina, armas, kasanayan, allowances at iba pa – bagay na hindi maibigay ng PNP dahil sa kapos na pondo.
Higit pa sa nabanggit na mga pagkukulang, dagdag bahid pa sa hindi kainamang imahe ng PNP ang mga bugok sa kanilang hanay. Katunayan, hindi na mabilang ang pagkakataong mga pulis mismo ang bulilyaso at sangkot sa kalakalan ng droga, robbery hold-up, kidnapping, carnapping, gun running, illegal gambling, gun-for-hire at iba pa.
Ang totoo, nakakabili naman ang PNP ng mga kagamitan tulad ng mga armas at sasakyan subalit sadyang hindi sapat para tugunan ang kailangan para sa isang epektibong pagganap ng tungkuling sinumpaan. Mayroon din naman probisyong dagdag-aral (schooling) at pagsasanay (training) sa kanilang hanay.
Pero hindi sapat ang kanilang bilang kumpara sa populasyong kanilang pinagsisilbihan.
Ang tanong – paano masosolusyunan ang problema ng kapulisan?
Hindi dapat pahintulutan ang sino mang pulitikong makialam sa pagtatalaga ng uupo sa pwesto. Ang PNP chief, ‘di dapat ang Pangulo ang magtalaga. Gayundin sa mga lalawigan, lungsod at bayan – hindi dapat makialam ang gobernador, kongresista at mga alkalde.
Para maiwasan ang paghingi ng suporta ng mga lokal na himpilan ng pulisya, dapat may sapat na kagamitan at pondo ang mga local PNP.
Mainam din ang isang tunay na paglilinis ng PNP – mula sa taas hanggang sa pinakamababang ranggo.
267