P3-M ng Chinese kinulimbat 2 AKYAT-BAHAY TIMBOG SA FOLLOW-UP

HINDI naging sagabal sa mga awtoridad ang paggunita sa “Lenten season” para ipatupad ang kanilang tungkulin nang magreklamo ang isang Chinese national na may nanloob sa kanyang bahay sa Binondo, Manila noong Abril 13.

Agad nagsagawa ng manhunt operation ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawang akyat-bahay na tumangay ng mahigit P3 milyong halaga ng pera ng isang Chinese.

Sa direktiba ni P/Lt. Col. Magno Gallora Jr., commander ng Manila Police District-Binondo Police Station 11, ayon sa utos ni MPD Director, P/Brigadier General Leo “Paco” Francisco, bandang alas-4:40 ng madaling araw noong Abril 17, isinagawa ang follow-up operation sa Muelle Del Banco Nacional St. sa Binondo na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek na sina Reynaldo Ruiz, 21, at Guijun Escultura, 24.

Nauna rito, nagtungo sa Gandara PCP ang negosyanteng si Mary Jean Sussane Ngo ng Binondo, Manila makaraang pasukin ang kanyang bahay bandang madaling araw noong Abril 13.

Dahil dito, binusisi ng mga awtoridad, sa pangunguna na P/Capt. Fredwin Sernio, PCP commander, ang mga kuha sa CCTV na pag-aari ni Ngo at ang kuha sa CCTV ng Barangay sa lugar hanggang sa isagawa ang follow-up operation at nadakip ang dalawa.

Nagawa pa umanong makipagbarilan ni Escultura pero nadis-armahan ito ni P/Cpl. Ruperto Evasco habang si Ruiz ay dinamba naman ni P/SSg. Mark Reyes. (RENE CRISOSTOMO)

87

Related posts

Leave a Comment