BATANGAS – Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang 49-anyos na negosyante sa harap mismo ng kanyang asawa at dalawang anak sa bayan ng Talisay sa lalawigang ito, noong Biyernes.
Kinilala ang biktimang si Restituto Petate, ng Brgy. Miranda, Talisay.
Base sa ulat kay Talisay Police chief, Maj. Elmer Aguila, binaril din ng mga suspek ang asawa ni Restituto na si Rowena ngunit hindi tinamaan.
Ayon sa imbestigasyon, nakaparada ang sasakyang Toyota Fortuner ng mga biktima sa kanto ng Laurel at J. Trinidad streets sa Brgy. Poblacion 5 sa Talisay nang may dalawang armadong kalalakihan ang lumapit at pinagbabaril ang mga ito.
Napuruhan ng tama ng bala sa ulo si Restituto na kanyang agad na ikinamatay .
Agad na bumaba mula sa sasakyan at nakatakas naman si Rowena at nakailag sa mga tama ng bala.
Mabilis na tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril.
Inaalam ng mga awtoridad ang posibleng motibo ng mga suspek habang pinaghahanap ang kanilang kinaroroonan. (CYRILL QUILO)
239