BAHALA na ang korte sa pagtimbang sa maaring epekto ng pagbawi ng drug suspect na si Kerwin Espinosa sa kanyang mga testimonya laban kay Senador Leila de Lima, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Dagdag pa ng PDEA, wala silang kinalaman sa mga isinampang kaso laban kay de Lima, gayundin kay Espinosa.
Matatandaang inakusahan ni Kerwin ang senadora na sangkot sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison (NBP).
“The agency is dispassionately interested in uncovering the truth and prosecuting those involved in the illegal drug-trade,” sabi pa sa inilabas na pahayag ng PDEA.
Sa isang pahayag, sinabi ni Prosecutor General Benedicto Malcontento na walang epekto sa mga kaso ni de Lima ang pagbawi ni Espinosa.
Samantala, nakahanda ang Philippine National Police (PNP) na imbestigahan ang mga alegasyon ni Espinosa laban sa mga pulis.
Tugon ito ni PNP Public Information Office Chief PBGen. Roderick Augustus Alba sa counter-affidavit na isinumite ng kampo ni Espinosa sa Department of Justice kung saan binawi niya ang lahat ng kanyang mga pahayag laban kay De Lima kaugnay sa ilegal na droga. (JESSE KABEL)
386
