PATAY ang isang political leader ni Malabon City Congresswoman Jaye Lacson-Noel matapos pagbabarilin ng hindi kilalang suspek noong Martes ng hapon sa naturang lungsod.
Hindi umabot nang buhay sa Ospital ng Malabon sanhi ng tama ng bala sa ulo ang biktimang kinilalang si Renato Luis, 47, ng Barangay Tonsuya.
Ayon sa ulat nina P/SSgt. Michael Oben at P/Cpl. Renz Marlon Baniqued kay Malabon Police chief, P/Col. Albert Barot, habang naglalakad ang biktima sa KADIMA basketball court, Brgy. Tonsuya dakong alas-3:36 ng hapon nang mula sa likod ay sumulpot ang suspek at siya ay pinagbabaril.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek patungong DAMATA, Brgy. Tonsuya habang isinugod naman ang biktima ng kanyang pamilya sa nasabing pagamutan.
Mariin namang kinondena ni Congw. Lacson-Noel ang pagpatay sa biktima. “Ang pagkamatay ni Renato ‘Atong’ Luis, isa sa mga masisipag kong leaders mula sa Brgy. Tonsuya na pumanaw sa nakakapanlumong paraan ay nag-iwan ng puwang sa puso ng kanyang mga kamag-anak, mga pinagseserbisyuhang mga Malabonian at sa amin na kanyang mga kaibigan.”
“Ang mga mabubuti niyang nagawa at kontribusyon para sa ating siyudad lalo na sa kanyang barangay ay kailanman hindi mapupukaw. Mula po sa aking puso at ng aking buong pamilya ay aking iniaalay ang aking sinserong pakikiramay at pakikidalamhati sa pagpanaw ng isang mabuting Malabonian at kaibigan,” dagdag ng opisyal.
Agad namang iniutos ni Col. Barot ang masusing imbestigasyon para matukoy at madakip ang suspek habang inaalam ang motibo sa pagpatay sa biktima. (FRANCIS SORIANO)
204