NOONG 1977, opisyal na naging miyembro ang Pilipinas ng Southeast Asian Games Federation. Simula noon, dalawang beses naging overall champion ang ating bansa sa kada dalawang taong regional meet. Ito ay noong 2005 at 2019, mga taong naging host ang bansa ng Games.
Noong 2005, nang unang tinanghal na pangkalahatang kampeon ang bansa, humakot ang mga atletang Pinoy ng 113 gold. Ngunit nahigitan ito noong 30th SEA Games noong 2019, nang magmina ng kabuuang 387 medalya ang Pilipinas kabilang ang 149 gold, 117 silver at 121 bronze medals.
Ang medal-rich na arnis, nagmula mismo sa bansa, ay nagbulsa ng 14 ginto, 10 sa dancesport at pito sa wushu. Nakakuha pa ng tatlong ginto ang ating mga siklista, tigatlo rin sa basketball, gymnastics, modern pentathlon, sepak takraw, sambo, shooting, at skateboarding; tig-dalawa sa weightlifting, athletics, fencing, golf, squash; at 1 sa swimming.
Masasabing pinakamatagumpay na kampanya ng Pilipinas ang 2019 SEA Games, nagsimula noong Nobyembre 30 at isinagawa sa iba’t ibang bahagi ng Central Luzon, Metro Manila, Cavite, Laguna, Batangas at La Union sa Northern Luzon. Ilan sa mga tampok na pangyayari noong 30th SEAG ang pamamayagpag ni world gymnastics champion Carlos Edriel Yulo at ang gold medal ni ‘weightlifting fairy’ Hidilyn Diaz, na itinuloy niya hanggang Tokyo kung saan niya binuhat ang kauna-unahang Olympics gold medal ng Pilipinas.
267
