KAKAYAHAN BILANG PAMANTAYAN

PAGSAPIT ng Hunyo 30, isang bagong pangulo ang manunumpang gagawin ang lahat upang isulong ang kapakanan ng sambayanang Pilipino, batay sa probisyong kalakip ng umiiral na Saligang Batas.

Bahagi ng kanyang mandato ang pagtatalaga ng mga taong makakatuwang sa ipinangakong programang magsisilbing hudyat ng bagong yugto patungo sa landas ng kaunlaran, kapayapaan, kaayusan at magandang kinabukasan.

Ano nga ba ang wastong batayan sa pagpili ng mga kalihim na kukumpas sa iba’t ibang departamento?

Ang totoo, mistulang gantimpala sa mga sumuporta sa kandidatura ng mga nagdaang pangulo ang mga sensitibong pwesto sa gobyerno. Dangan naman kasi, ang mga tumulong sa kampanya, may kanya-kanyang adyenda.

Hindi masamang tumanaw ng utang na loob ang pangulo sa mga tao, grupo o partidong ­nagsama-samang nagsulong sa kanya noong mga panahong siya’y kumakandidato. Gayunpaman, ang utang na loob dapat may hangganan at hindi kailangang umabot sa sukdulang maperwisyo ang bayan.

Pag-amin ng tagapagsalita ng susunod na ­pangulo, may mga nagpapahiwatig ng interes na maluklok sa pwesto – may mga kaalyado sa pulitika, may mga rekomendado at mga pangalang paniwala nila’y may kakayahang gampanan ang mabigat na atas ng mandato – ang pagsusulong ng kaunlarang naantala dahil sa laganap na katiwalian, labis na pamumulitika, pagsasamantala ng mga oligarko at dagok ng pandemya.

Aniya, nasa proseso na sila ng pagrerebisa at pagsusuri ng mga tao sa talaan ng mga posibleng italaga sa iba’t ibang kagawaran, kawanihan, at mga tanggapan ng pamahalaan.

Pagtitiyak ni Atty. Vic Rodriguez na tumatayong tagapagsalita ni incoming President Ferdinand “Bongbong” Marcos, malaking bentahe sa mga nasa talaan ang kakayahan dahil ‘yun ang pangunahing basehan ng susunod na Pangulo sa paghirang ng mga katuwang sa gobyerno.

Sa isang banda, tama rin naman. Sa bigat ng hamong kinakaharap ng susunod na administrasyon, hindi kailangan ang pasaway, pabigat o perwisyo sa gobyerno.

Hindi madali ang hamon sa susunod na pangulo – sandamakmak na utang, katiwalian sa pamahalaan, lugmok na ekonomiya, kawalan ng trabaho at marami pang iba.

Taympers muna sa mga matakaw, abusado at mapagsamantala.

411

Related posts

Leave a Comment