IPINAUBAYA na ng Malakanyang sa Commission on Elections (Comelec) na patunayan na walang iregularidad sa katatapos na May 9 national at local elections.
Tugon ito sa sinabi ng International Observer Mission (IOM) ng International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP) na ang katatapos lamang na eleksyon sa bansa “were not free and fair.”
Inulit naman ni Acting presidential spokesperson at Communications Secretary Martin Andanar ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na naniniwala siya na walang dayaan at iba pang voting irregularities sa katatapos lamang na halalan sa bansa.
“We reiterate what President Rodrigo Roa Duterte said during his May 11, 2022 Talk to the People Address that there are no voting irregularities. Let us respect the outcome of the election and give chance to the winning candidates to fulfill their campaign platform,” anito.
Aniya, hahayaan ng Malakanyang ang Comelec na sagutin ang alegasyon ng IOM.
“…To dispel doubts of some quarters such as the Philippine Election 2022 International Observer Mission, which has been quoted as saying ‘the May 9 election did not meet the standard of free and fair’ we leave the matter to the Commission on Elections,” ani Andanar.
Nauna rito, inilabas na ng International Observers Mission o IOM ang kanilang naging obserbasyon sa katatapos na halalan sa bansa.
Sa virtual forum ng International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP), inilatag nila ang kanilang mga naging pag-aaral sa halalan sa Pilipinas simula nang umarangkada ang kampanya noong February 2022.
Sabi ni IOM Commissioner at Belgian Parliamentarian Severine De Laveleye, napakahalaga ng halalan hindi lang sa mga Pinoy kundi pati na rin sa international community.
Sinabi ni De Laveleye na hindi naging patas ang pagdaraos ng halalan sa Pilipinas na nabahiran ng talamak na vote-buying, red-tagging sa mga kandidato at kaliwa’t kanang karahasan. (CHRISTIAN DALE)
195 