AMINADO ang Malakanyang na marami pa ang dapat gawin para tulungan ang mahihirap na Pilipino na iangat mula sa kahirapan matapos bahagyang tumaas sa 10.9 milyon ang bilang ng mga Pilipinong itinuturing na mahirap ang kanilang pamilya, ayon sa survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) noong nakaraang buwan.
Base kasi sa resulta ng survey noong Abril 19 hanggang 27 na inilabas noong Miyerkoles, Mayo 18, sinasabing 43 porsyento ng 1,440 respondents ang itinuturing na mahirap ang kanilang mga pamilya.
Samantala, bumaba ang bilang ng mga respondent na nag-rate sa kanilang mga pamilya bilang borderline poor mula 39 porsyento noong Disyembre hanggang 34 porsyento noong Abril.
Ang mga nagsabi namang hindi mahirap ang kanilang mga pamilya ay tumaas mula 19 porsyento hanggang 23 porsyento.
Sinabi ng SWS, pinakamataas ang self-rated poverty sa mga respondents sa Mindanao sa 60 porsyento, sinundan ng Visayas sa 48 porsyento, balanse ang Luzon sa 35 porsyento at Metro Manila sa 32 porsyento.
Sa isang kalatas, sinabi naman ni acting presidential spokesperson at Communications Secretary Martin Andanar na batid naman ng lahat ang pangako ng administrasyong Duterte na mabigyan ng “komportableng buhay” ang bawat Pilipino.
Gayunman, dapat ding malaman ng lahat ang epekto ng COVID-19 pandemic sa “income and job opportunities” ng mga manggagawang Pilipino gaya ng lumabas sa SWS survey.
Umaasa naman si Andanar na ang pag-adopt sa 10-point policy agenda na naglalayong panatilihin ang economic recovery mula sa pandemya ay makatutulong na mabawasan ang self-rated poverty rate ng bansa. (CHRISTIAN DALE)
717 