MATAPOS sa Southeast Asian Games sa Vietnam, sa World Cup of Pool sa England naman lalaban sina Pilipino billiard icons Efren “Bata” Reyes at Carlo Biado.
Magsasanib-pwersa ang dalawa sa World Cup of Pool sa Brentwood Centre sa Essex, England sa Hunyo 14-19.
Si Reyes ay naging two-time champion sa torneo kasama ang isa pang billiard great na si Francisco ‘Django’ Bustamante.
Silang dalawa ang inaugural o unang kampeon noong 2006, nang kanilang pataubin sina Earl Strickland at Rodney Morris ng United States.
Muling nanalo sina Reyes at Bustamante noong 2009, nang kanilang pasukuin ang tandem nina Ralf Souquet at Thorsten Hohmann ng Germany.
Sa susunod na buwan, muling magbabalik si Reyes sa naturang torneo ka-team up si Biado, US Open champ.
Hindi na rin bago si Biado sa World Cup of Pool. Katunayan, umaksyon sila ni Jeff De Luna at nag-runner up finish noong 2019.
Maliban dito, nakipag-partner din siya kina Johann Chua, De Luna, at Warren Kiamco. Kaya umaasa siya na suswertehin na sa fifth try kasama si ‘The Magician.’
Kapwa kinapos sa 31st SEA Games sina Reyes at Biado. Ang una ay nag-bronze medal sa one-cushion carom, habang ang huli ay silver medalist sa 9-ball singles matapos matalo kay Chua.
184 