PARA sa tatlong pinakamalaking organisasyon ng mga negosyante, higit na kailangan ng susunod na administrasyong bumuo ng isang “dream economic team” na may kakayahang bumalangkas, magsulong at magpatupad ng mabisang programang magbibigay daan sa pagbangon ng bansa.
Ayon kay Sergio Ortiz Luis Jr. na tumatayong Pangulo ng Employers’ Confederation of the Philippines (ECOP) at chairman ng Philippine Chamber of Commerce and Industries (PCCI), hindi dapat limitado sa mga kaalyado sa pulitika ang pagtatalaga ng mga Kalihim sa mga ahensyang malaki ang ginagampanang papel sa ekonomiya tulad ng National Economic Development Administration (NEDA), Department of Finance (DOF), Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agriculture (DA) Department of Transportation (DOTr) at Department of Energy (DOE).
Paliwanag ni Ortiz-Luis Jr., na siya ring Honorary Consul General of Romania to the Philippines, mas makabubuti kay incoming President Ferdinand Marcos Jr. na sipatin ang kakayahan at posibleng motibo sa likod ng interes ng ilan sa mga nagpapahiwatig sa mga naturang departamento, lalo pa’t nasa kamay ng mga economic managers ang kahihinatnan ng bansang lubhang apektado ng pandemya at krisis sa langis na dulot ng patuloy na hidwaan sa pagitan ng mga bansang Ukraine at Russia.
Nang tanungin si Ortiz-Luis Jr. kung sino sa kanilang palagay ang irerekomenda ng ECOP at PCCI para sa isinusulong na “dream economic team,” nilinaw niyang hindi kailanman naging polisiya ng mga negosyante ang mag-endorso sa Pangulo.
Gayunpaman, may mga katangian anila silang nais ikonsidera ni Marcos. Paniwala ni Ortiz-Luis Jr., pinakamainam kung itatalaga sa NEDA, DOF, DTI, DA at DOE ay mga eksperto mandato ng mga naturang departamento at hindi mga politikong may kanya-kanyang motibo sa pwesto.
Duda rin si Ortiz-Luis Jr. sa lumabas na “partial list” ng mga itatalaga sa pwesto, na kanyang inilarawang “kathang isip lang marahil ng mga taong walang magawa, inip o di naman kaya’y nais lamang magpapansin sa social media”.
Mainam din aniyang sipatin ng susunod na Chief Executive sa Palasyo ang sigasig at track record ng ilang mga opisyal sa mga nabanggit na departamento – tulad nina Finance Secretary Sonny Dominguez, NEDA chief Karl Chua, DTI Undersecretary Abdulgani Macatoman, DOE Undersecretary Benito Ranque – at maging si Senate Committee on Energy Chairman Senator Sherwin Gatchalian.
“But it is still the President who has the last say as to whom to appoint in these government agencies comprising the country’s economic team,” ani Ortiz-Luis Jr.
Naniniwala rin aniya silang malaki ang gagampanang papel ng DOE sa susunod na anim na taon, kasabay ng giit na di dapat bigyang muli ng pagkakataon ang mga bulilyaso sa naturang departamento. Bagamat walang binanggit na pangalan ang lider negosyante, mistulang tinutukoy niyang dapat malansag ay ang grupo ni Energy Secretary Cusi na kinabibilangan nina Philippine National Oil Company (PNOC) president and chief operating officer Jesus Posadas, National Electrification Administration (NEA) chief Emmanuel Janeza and National Power Corporation (Napocor) President Donato Marcos.
Hinikayat rin niya ang susunod na administrasyon para isulong ang representasyon ng Mindanao sa economic team – bagay na pwedeng iatang sa balikat ni DTI Undersecretary Abdulgani Makatoman. Taal na taga-Mindanao si Makatoman.
Taliwas naman ang paniwala ni Ortiz-Luis Jr. sa DOTr. Aniya, sukdulang pasakit sa mamamayan ang mga kapalpakan at mahabang talaan ng mga kaduda-dudang polisiyang ipinatupad ni DOTr Sec. Arthur Tugade noong panahon ng pandemya.
Kabilang si Ortiz-Luis Jr., PCCI President George Barcelon at Philippine Stock Exchange Chairman Jose Pardo sa mga convenors ng Sulong Pasay, isang private partnership sa pagitan ng local government at mga negosyanteng tumulong na buhayin ang negosyo sa Pasay City sa paghupa ng epekto ng pandemya.
DI LANG PANG-OPISINA. Para sa mga negosyante, higit na angkop hirangin sa economic team ng susunod na Pangulo ang mga may totoong kakayahan at hindi lang basta kaalyado. Sa hindi inaasahang pagkakataon, isa si Energy Undersecretary Benito Ranque sa mga isinusulong na kumumpas sa Department of Energy. Makikita sa larawan si Ranque nang inspeksyunin ang tunnel na ginagawa ng Alson Consolidated Resources Inc para sa 14.5 megawatt (MW) run-of-river hydroelectric power plant sa Siguil River basin sa Massimo, Sarangani.
