NAGING malaking isyu nitong nakaraang linggo ang pagkaka-aresto sa aking amang si Ramon Tulfo sa Manila City Hall dahil sa kasong cyber libel na isinampa sa kanya ng dating kalihim ng Department of Justice (DOJ) na si Vitaliano Aguirre II, dalawang taon na ang nakararaan.
Hindi na bago para sa aking ama ang masampahan ng kasong libel dahil sa kanyang trabaho bilang kolumnista. Noong dekada ’80, ipinakulong ito ng ilang oras ng dalawang huwes sa Bataan at Olongapo, matapos na isiwalat nito ang mga maling gawain ng mga naturang huwes at doon nagsimulang makilala ang aking ama bilang isang matapang na mamamahayag.
Sa pinakabagong post nito sa kanyang opisyal na FB account, sinabi nya na siya ay inaresto dahil hindi siya nakarating sa mga araw na dininig ang
kasong isinampa sa kanya.
Wala rin dumating na subpoena sa kanya mula sa korte at hindi siya nasabihan ng kanyang abogado sa takdang araw ng pagdinig ng kanyang kaso kaya hindi siya nakasipot.
Ang libel ay isang kasong kaugnay o kaakibat ng trabaho ng isang mamamahayag at kahit sinong journalist ay pwedeng masampahan nito.
Inaresto ang aking ama sa mismong araw na maproklama ang nakababatang kapatid nitong si Raffy Tulfo bilang senador na pumangatlo sa botohan sa katatapos na halalan. Sa kanyang talumpati sinabi ni Uncle Raffy, na isa ring mamamahayag, balak niyang i-decriminalize o ‘di na gagawing kasong kriminal ang kasong libel para sa mga mamamahayag na ginagawa ang kanilang trabaho nang walang takot.
Balak na ihalintulad ni Uncle Raffy sa bansang US ang kasong libel na ginawa na lang isang civil case.
***
Kontrobersiyal ang FB post ng isang piloto ukol sa flight diversion, na ‘di-umano dahil sa kahilingan ng kampo nila VP Leni Robredo noong kasagsagan ng kampanya, dahil dito ay tinanggal na siya sa trabaho.
Naglabas din ng pahayag ang Cebu Pacific Airlines na isasailalim sa imbestigasyon at disciplinary action ang pilotong nabanggit.
Pero teka, ayon sa aking mapagkakatiwalaang source, totoo raw na nangyari ang flight diversion na sinasabi ng piloto. Ngunit hindi naman daw ito bago dahil normal daw itong nangyayari lalo pa at “VIP” ang mga humihiling nito tulad ng mga pulitiko.
Nanawagan din ang ilang celebrities na sipain na ang naturang piloto. Kayo naman parang hindi kayo nagkakamali, tinanggal na nga ang kontrobersiyal na post tapos may kaakibat pang parusa, hindi pa ba sapat yun? Para kayong walang bahid ng kasalanan ahh!
Kung kayo ay may reklamo o sumbong, maaari itong iparating sa amin sa pamamagitan ng FB messenger ng Rapido Ni Patrick Tulfo.
Napapakinggan sa istasyong DZME 1530khz ang aking programa mula Lunes hanggang Biyernes mula 10 – 11:30 ng umaga at napapanood din nang sabayan sa pamamagitan ng FB live sa Rapido Ni Tulfo page at sa YouTube sa patricktulfoofficial salamat po.
247 