AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP
NABUHAYAN ng kalooban ang mga lider ng iba’t ibang sector na may kaugnayan sa mga OFW matapos na pormal na inanunsiyo ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagtanggap sa kanyang inialok na position kay Susan “Toots” Ople para maging kawani ng bagong tatag na Department of Migrant Workers (DMW).
Sunod-sunod ang tawag sa telepono ang aking natanggap upang ipakisuyo kay incoming Secretary Toots Ople ang kanilang pagbati at pagpapasalamat. Ngunit mayroon ding ilang sector ang nagalit o nagtampo sa akin dahil diumano ay hindi ko sinuportahan ang kanilang pambato para maging kalihim.
Bawat isa ay may panuntunan na sinusunod para sa pagbibigay ng suporta, ngunit katulad ni President-elect Marcos, ay naniniwala ako sa kakayahan at pagmamalasakit ni Ople sa sector ng OFW . Bago pa lamang sumibol ang napakaraming advocacy group na sumasaklolo sa mga OFW, ay nauna nang naging takbuhan si Ople ng mga OFW na nangangailangan.
Maging ako bilang FILCOM leader sa bansang Kuwait ay madalas na humihingi ng payo at tulong kay Ople. Bago pa nga lamang nagsimula ang AKOOFW at hanggang sa ako ay maluklok bilang OWWA Board of Trustee ay si Ople ang aking kinokonsulta.
Sa nalalapit na pag-upo ni Secretary Susan “Toots” Ople ay masasabi nating nabuhayan ng kalooban ang maraming OFW. Hangad ng AKOOFW ang kanyang tagumpay bilang bagong kalihim ng Department of Migrant Workers.
***
Dumulog sa AKOOFW si Lilibeth M. Abellar upang magsumbong sa hirap na kanyang dinaranas sa kanyang kasalukuyang amo sa bansang Qatar.
Ayon kay Abellar, nakarating siya sa bansang Qatar sa pamamagitan ng Power Agency nito lamang nakaraang Marso 19, 2022. Nag-apply siya sa naturang ahensya bilang kasambahay ngunit pagdating niya sa kanyang employer sa Qatar ay pinagtrabaho siya bilang caregiver ng pasyenteng matanda na paralisado.
Dagdag pa ni Abellar : “Walang tulog po at walang kain, wala pong nasusunod sa kontrata kundi ang 2 taon lang po, nagbibigay po ako ng napakaraming gamot at insulin, wala po akong background sa pag-caregiver dahil hindi naman po ‘yon ang inaplayan ko, at saka bawal po sa bansang Qatar ang magbigay at magturok ng insulin kapag wala kang alam sa medisina dahil kulong po ang kaparusahan po, yon ay kapag nagkamali ka ng bigay ng gamot, at ang insulin, nakakamatay din daw po ‘yon sabi ng nurse kapag nasobrahan ng bigay”.
Labis na nakikiusap si Abellar na siya ay kunin na ng kanyang ahensya dahil sa kanyang pangamba na siya ay makasuhan sakaling may masamang mangyari sa kanyang inaalagaan na pasyente.
***
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.
189 