UMAASA si Senador Risa Hontiveros na mailalabas na sa susunod na linggo ng Senate blue ribbon committee ang report hinggil sa isinagawa nitong pagsisiyasat sa sinasabing maanomalyang government transactions sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Sinabi ni Hontiveros na inaabangan niya ang committee report at umaasa siyang maihahabol pa ang adoption nito sa huling linggo ng 18th Congress.
Tiniyak din ng senador na magpapatuloy ang Senado bilang institusyon sa paninindigan laban sa anumang iregularidad sa gobyerno.
Ipinaalala pa ng mambabatas ang naging pagsisiyasat ng Senado sa bribery scandal sa Bureau of Immigration na tinawag na “Pastillas scam” na naging dahilan ng official investigation at prosecution sa mga sangkot na opisyal.
Matatandaang noong Pebrero ay inilabas na partial report ng Senate blue ribbon sa imbestigasyon hinggil sa paglilipat ng P42 bilyong COVID-19 funds mula sa Department of Health patungong Procurement Service ng Department of Budget and Management.
Inirekomenda ng kumite ang pagsasampa ng criminal charges sa ilang opisyal ng Pharmally at iba pang personalidad na sangkot sa anomalya.
Binigyang-diin din sa report ang umano’y betrayal of public trust ni Pangulong Rodrigo Duterte. (DANG SAMSON-GARCIA)
157
