HANDA si Senador Risa Hontiveros na muling buksan ang pagdinig ng Senado hinggil sa sinasabing anomalya sa transaksyon sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Sinabi ni Hontiveros na kung hindi na matalakay sa kasalukuyang Kongreso ang committee report sa Pharmally investigation ay bibitbitin niya ito sa 19th Congress sa pamamagitan ng paghahain ng resolution.
Naniniwala ang senador na hindi dapat payagang makalusot ang mga sangkot sa anomalya.
Samantala, kinumpirma nina Senate Majority Leader Migz Zubiri at Senador Win Gatchalian na hindi sila lumagda sa committee report ng Blue Ribbon Committee sa isyu dahil sa tutol sila sa rekomendasyon na sampahan ng kasong plunder si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ipinaliwanag ni Zubiri na hindi maaaring ibatay sa circumstantial evidence ang kasong plunder.
Iginiit nina Zubiri at Gatchalian na kung aalisin sa report ang naturang rekomendasyon ay agad nila itong pipirmahan at ilalatag sa plenaryo. (DANG SAMSON-GARCIA)
