TIWALA SA MAINSTREAM MEDIA MABUBURA NA KAYA?

HUDYAT na kaya ito na unti-unti nang nawawalan ng tiwala ang nakararaming mga Pilipino sa mga anchor sa television networks (mainstream media)?

Na-PUNA po kasi natin sa nagdaang dalawang presidential elections noong 2016 at nitong katatapos na May 9, 2022 ay pumatok sa nanalong mga presidente ang social media platform.

Unang nakinabang dito ay si outgoing President Rodrigo Roa Duterte na nakapagtala ng boto na 16,601,997 o 39.01% kumpara sa kanyang katunggali na si Mar Roxas na may 9,978,175 boto o 23.45%.

Nakapagtala ng 6,623, 822 lamang si PRRD laban kay Roxas.

Sa panahon na ‘yan ay hindi pabor kay PRRD ang tinatawag na mainstream media (television networks, national newspapers) kaya dehado siya sa mga balita.

Subalit llamado naman siya pagdating sa social media dahil ­maraming naniniwala sa kanya na nagla-live sa Facebook at YouTube channels.

Sa madaling sabi, naging epektibo ang social media para kay PRRD na kung saan ay direktang nakararating sa mga gadget ng mga ­ordinaryong mamamayan ang kanyang plataporma.

Nakatipid na siya gastos dahil sa tulong sa kanya ng social media, ito pa ang nagdala sa kanya sa pagkapanalo niya sa halalan.

Nariyan pa nga na naungkat na hindi inilabas ng ABS-CBN ang paid ad niya.

Sa katatapos na May 9, 2022 national and local elections ay lalo pang lumakas ang social media na nagdala ng malaking lamang ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. laban kay Leni Robredo.

Si BBM ay nakakuha ng 31,629,783 boto o 58.77% ­kumpara sa 15,035,773 o 27.94% ni Robredo.

Umabot ng 16,594,010 ang lamang ni BBM laban kay Robredo, na mas malaki pa ang lamang kung ikukumpara sa mismong boto ng lahat ng kanyang mga katunggali.

Kung dehado si PRRD pagdating sa mga balita sa mainstream media ay mas malala pa ang naging pagtrato ng mga ito kay BBM.

Hindi pa man siya naghahain ng kanyang kandidatura, subalit alam na ng mainstream media na tatakbo siya sa pagka-presidente, ay sinimulan na siyang batuhin ng putik ng mga ayaw sa kanya.

Maging sa straight news na tinatawag sa mga taga-media ay ginagawan pa nila ng opinyon para lang magkaroon sila ng banat laban kay BBM. ‘Di ba, mga madam Jessica Soho, Mel Tiangco at Karen Davila?

Ang problema nga lang ay hindi umepekto ang inyong mga banat laban kay BBM dahil naniniwala ang taumbayan na sinsero siya sa kanyang panawagan na pagkakaisa (unity).

Napakaraming bloggers ang minu-minuto o oras-oras na nagta­tanggol kay BBM sa banat laban sa kanya.

Marami pa nga sa kanila ang binura ang kanilang Facebook account (page) dahil sa akusasyon sa kanila na sila ay mga troll at bayaran ni BBM.

Nariyan din na sinabihang mga bobo at walang mga pinag-aralan ang supporters ni BBM.

Ang mga negatibong bato na ito sa mga naniniwala kay BBM ang lalo pang nagpalakas sa kanyang kandidatura sa mga nasa Pilipinas o maging nasa ibang bansa man sa buong mundo na kung saan ay may mga Pilipino.

Hindi rin nakaapekto ang pagtanggi ni BBM sa mga imbitasyon sa kanya ng mga television network para sa debate. Lalo namang lumakas ang suporta ng social media sa kanya.

At ito ang nagdala sa kanya sa pagiging kauna-unahan sa ­kasaysayan ng pulitika sa bansa na “Majority President” dahil 58% ng mga botante ang pumabor sa kanya.

Sa mga ayaw kay BBM, wala kayong magagawa dahil 31 milyong Pilipino ang bumoto sa kanya.

Kaya kayong mga anchor sa mga television network ay mag-isip-isip kayo baka sa mga susunod na taon ay hindi na kayo paniwalaan ng mga Pilipino at mas maniwala pa sila sa mga blogger o FB live.

Nakalulungkot ang pangyayaring ito dahil isa rin tayo na nasa mainstream media dahil ­nagsusulat tayo sa daily newspaper.

oOo

Para sa suhestiyon at ­reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0919-259-59-07.

225

Related posts

Leave a Comment