SINDIKATO NG CHINA IN-EXPORT SA PINAS?

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

KILALA ang China sa mga produktong walang ­katibay-tibay na nagkalat at ibinebenta hindi lamang sa mga lansangan kundi sa online dahil marami silang produktong peke na ine-export sa ating bansa.

Pero hindi lang ang mga pekeng produktong ‘made in China’ ang in-export sa ating bansa kundi ang kidnap for ransom (KFR) syndicate ng Chinese nationals na pumupunta sa ating bansa bilang mga turista.

Karagdagan ‘yan siyempre sa drug syndicate ng Chinese nationals dahil sila naman talaga ang nagdadala ng mga ilegal na droga sa ating bansa at sumisira sa kinabukasan ng maraming biktimang Pinoy.

Binabahiran ng mga sindikato ng Chinese nationals ang imahe ng ating bansa at kahit sabihin pang mga kababayan nila ang kanilang mga biktima, hindi ito katanggap-tanggap dahil dito nila ginagawa ang kanilang ilegal na operasyon.

Mula 2017, base sa record ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG), nagsimula ang operasyon ng KFR ng mga Chinese syndicate at ang kanilang mga biktima ay mga kababayan nila na nagsusugal sa casino.

Lumalala ang kanilang ­operasyon dahil maging ang kanilang mga kababayan na ­nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) ay kanilang kinikidnap at ipinatu­tubos sa kanilang mga kaanak sa China.

Ngayon ay ang Chinese nationals naman na nagnenegosyo sa ating bansa ang kanilang puntirya katulad na lamang ng kanilang mga biktima sa Cebu kamakailan lamang.

Hindi natin pwedeng sabihin na “hayaan mo sila, mga ­kababayan naman nila ang kanilang biktima” dahil baka ­pagdating ng panahon ay mga Pinoy na ang kanilang kikidnapin at ipatutubos.

Kung hindi man, baka ang ibang nationals na naninirahan at nagnenegosyo sa ating bansa ay kanilang isusunod na puntirya kaya kailangang lansagin ang sindikatong ito ng Chinese ­nationals sa lalong madaling ­panahon dahil sinisira nila ang imahe ng ating bansa.

Hindi puwedeng maging ang sindikato ng China ay ine-export sa atin at kailangang ipakita ng mga otoridad na seryoso ang mga ito na malansag ang sindikatong ito bago maging dambuhala.

Kailangan ding maparusahan ang mga miyembro ng sindikatong ito sa ating bansa bago sila pauwiin sa China dahil kung ­pauuwiin agad ang mga ito na hindi naparurusahan ay tiyak na babalik at babalik ang mga iyan para gumawa ulit ng krimen sa Pinas.

Dapat sa China magkalat ng lagim ang Chinese nationals na ito at hindi sa ating bansa kung talagang may ba—-g ang mga ito na banggain ang komunistang liderato ni Xi Jinping.

Alam kasi ng mga sindikatong ito na hindi sila uubra sa China dahil tiyak na bitay ang kanilang aabutin kapag nasangkot sila sa ganitong uri ng krimen kaya rito sa Pinas at ibang bansa sila nag-o-operate na insulto sa atin.

Kung Pinoy ang gagawa ng ganyang krimen sa China, tiyak na mabibitay kaya ipatikim din sana sa kanila ang lupit ng batas sa kanilang bansa. Oo nga pala, walang death penalty sa atin kaya malakas ang loob ng mga mokong na ito.

145

Related posts

Leave a Comment