PRESYO NG LANGIS KAYANG TAPYASIN NG KONGRESO

KUMBINSIDO ang isang militanteng mambabatas na nasa kamay ng Kongreso ang solusyon sa dinaranas na dusang dala ng lingguhang pagpapataw ng dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo.

“For the immediate relief to our people, we call  on the next Congress and the next administration to immediately pass a law that will suspend the collection of the excise taxes on oil now,” kay outgoing Bayan Muna partylist Rep. Carlos Zarate, kasabay ng giit para sa regulatory measures sa industriya ng langis.

Aniya, higit na angkop pangunahan ng 19th Congress na rebisahin at amyendahan – kung kailangan, ang Republic Act 8479 (Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998) at alisin ang price control sa kamay ng mga industry players.

Patutsada pa ni Zarate, walang habas ang ginagawang pagpapataw ng dagdag-presyo sa mga produktong petrolyo ng mga kumpanya, anumang araw at oras na naisin nila.

Bago pa man nagkabisa ang RA 8479, dumadaan sa Department of Energy ang mga petisyon para sa mga planong dagdag-presyo ng mga produktong petrolyo.

Bukod sa pagbabalik ng pricing control sa gobyerno, isinusulong rin ni Zarate na bawiin ng pamahalaan ang Petron Corporation na naisapribado noong panahon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos.

Kailangan rin aniyang pwersahin ng pamahalaan ang mga kumpanya ng langis na isapubliko ang paraan ng pagtataya sa mga itinatakdang presyo, upang tiyaking walang anumang overpricing sa mga inilalabas na presyo ng langis kada litro.

Pahabol pa niya, hindi dapat makaligtaan amyendahan ng 19th Congress ang amyenda sa RA 10963 (Tax Reform For Acceleration and Inclusion Act) kung saan nakapaloob ang probisyong nagtatakda ng excise tax sa gasolina, krudo at kerosene. (BERNARD TAGUINOD)

199

Related posts

Leave a Comment