ARESTADO ng pinagsanib na puwersa ng Manila Police District at Cavite PNP ang isang wanted person na matagal nang pinaghahanap ng batas, makaraang matunton sa Cavite City.
Kinilala ang suspek na si Randy Dela Cruz y Sunga, 22-anyos, jobless, residente ng Lecheros St., Barangay 61, Tondo, natunton ng mga awtoridad sa lalawigan dahil sa tip mula sa impormante.
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Rosalino Ibay Jr., commander ng MPD- Special Mayor Reaction Team (SMaRT), bandang alas-3:15 ng hapon noong Biyernes nang isilbi ang arrest warrant laban sa suspek.
Pinangunahan ni P/Major Edward Samonte ng MPD- SMaRT, sa pakikipagtulungan ni P/Lt. Col. Gilbert Cruz ng Cavite Police, ang pag-aresto sa suspek sa Lupang Banal, Brgy. 6, Cavite City, sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Presiding Judge Jacqueline S. Martin-Balictar ng Regional Trial Court Branch 9 na may petsang Mayo 16, 2022 sa kasong 2 counts ng theft. (RENE CRISOSTOMO)
191 