AWOL NA PARAK ARESTADO SA CARNAPPING

HINDI nakapalag ang isang pulis na Absent without Official Leave (AWOL) nang posasan at bitbitin mula sa harap ng barangay hall sa Sta. Mesa, Manila dahil sa kasong carnapping noong Huwebes ng gabi.

Kinilala ang suspek na si P/Cpl. Richard Antonio y Lomboy, 32-anyos , binata, at dating nakatalaga sa District Personnel Holding and Accounting Section (DPHAS) ng Manila Police District at residente ng  Ang Buhay St., Sta. Mesa, Manila.

Base sa ulat ni P/Lt. Col. Dionelle Brannon, commander ng MPD-Sta. Mesa Police Station 8, bandang alas-9:00 ng gabi noong Huwebes nang damputin si Cpl. Antonio sa harap ng barangay hall sa Brgy. 597, Zone 56 ng ika-6 na Distrito ng Lungsod.

Una rito, iniutos ni P/Lt. Col. Brannon ang pagtunton sa suspek makaraang mabatid na madalas itong tumambay sa harap ng barangay hall.

Nang magpositibo ang impormasyon, agad nagkasa ng operasyon ang pinagsanib na puwersa ng mga tauhan ng Station Warrant and Subpoena Section at NCRPO- RMFB, kinordon ang lugar saka isinilbi sa suspek ang warrant of arrest na inisyu ni Judge Maria Paz Rivera Reyes-Yson ng Regional Trial Court Branch 54 ng Manila, na may petsang Hunyo 8, 2022 dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 10883 (New Anti- Carnapping Law)

Si Cpl. Antonio ay top 4 most wanted person, station level, at inirekomenda ng korte na makapaglagak ng P300,000 piyansa para sa pansamantala niyang kalayaan.

Samantala, pinuri ni MPD Director, P/Brigadier General Leo “Paco” Francisco si Lt. Col Brannon at ang kanyang mga tauhan sa mabilis na aksyon sa nasabing kaso. (RENE CRISOSTOMO)

176

Related posts

Leave a Comment