Roro vessel sa Real port tumagilid 3 TRUCK, VAN NAHULOG SA DAGAT

QUEZON – Nalubog sa tubig ang tatlong dump truck at isang van matapos na ang RORO vessel na pinagsakyan sa mga ito ay tumagilid sa Real Port sa Brgy. Ungos, sa bayan ng Real sa lalawigang ito, noong Biyernes ng hapon.

Ayon sa ulat, patungo sa isla ng Polillo ang RORO mula sa Real nang mangyari ang insidente.

Batay sa report ng Real Police, nasa Real Port pa ang LCT Balesin Cargo Vessel na pag-aari ng Alphaland Balesin Island Club Incorporated at nasa proseso pa ng pagsasakay ng rolling cargoes, nang mapansin ng mga tripulante na tumatagilid ang barko.

Sinubukan ng kapitan ng barko na si Captain Ely Gajarion na ipataas ang rampang sakayan at patakbuhin ang vessel patungo sa medyo malalim na bahagi para tiyakin kung balanse ang barko subalit patuloy itong tumagilid.

Dahil dito, nahulog ang kargang rolling cargoes na isang Foton wing van, isang Shacman dump truck, isang Man dump truck at isang Howo dump truck at lumubog sa tubig.

Nakalangoy naman patungo sa hindi kalayuang Ungos Port ang siyam na crew ng RORO at ang 14 pang sakay kabilang ang mga driver ng tatlong dump truck.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng Philippine Coast Guard sa pangyayari at inaalam ang naging sanhi ng paglubog.

Ito na ang ikalawang aksidente ng sasakyang dagat sa may bahagi ng Real Port sa loob ng isang buwan.

Nito lamang nakaraang Mayo 23, nasunog ang fast craft na M/V Mercraft 2 habang papalapit sa Real Port na ikinamatay ng siyam na pasahero habang naglalayag mula sa isla ng Polillo. (NILOU DEL CARMEN)

287

Related posts

Leave a Comment