Matapos mabalam ng 3-buwan P500 CASH AID IPAMAMAHAGI NGAYONG HUNYO

(CHRISTIAN DALE)

TARGET ng gobyerno na i-rollout ang pamamahagi ng P500 monthly cash aid sa low income families bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ngayong buwan.

Sa isang panayam, sinabi ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) spokesperson Director Irene Dumlao na nagpalabas ng joint memorandum circular ang Department of Budget and Management, National Economic and Development Authority, Bangko Sentral ng Pilipinas, at DSWD na naglalaman ng guidelines para sa distribusyon ng monthly subsidy nitong Mayo.

Aniya, “itong P500 na ayuda, maaari na tayong makapagsimula sa pamamahagi nito bago magtapos ang termino ni Pangulong Duterte.”

Ang pahayag na ito ni Dumlao ay matapos niyang makumpirma na ang cash aid ay nananatiling undistributed, tatlong buwan matapos aprubahan ni Pangulong Duterte.

Nitong Marso, ipinag-utos ni Pangulong Duterte na itaas ng P500.00 mula sa P200.00 ang monthly cash aid para sa “poorest of the poor” sa bansa sa gitna ng tumataas na presyo ng langis at iba pang pangunahing bilihin.

Sinabi ni Dumlao na ang target beneficiaries ay iyong nasa bottom 15% ng populasyon o 12.4 milyong low income households.

Aniya, ang mga kwalipikadong benepisaryo ay kinabibilangan ng nasa ilalim ng Conditional Cash Transfer program, benepisyaryo ng Social Pension program, at iba pang mahihirap na pamilya na may pagkakakilanlan ng National Household Targeting System for Poverty Reduction ng DSWD.

Sinabi ni Dumlao, ang monthly cash grant ay ipagkakaloob ng P1,000 kada dalawang buwan sa loob ng anim na buwan.

187

Related posts

Leave a Comment