SA GANANG AKIN Ni JOE ZALDARRIAGA
MAY mga impormasyon mula sa mga kapatid natin sa hanapbuhay sa media, at kanilang inihayag sa mga ulat, na patuloy na tumataas ang inflation rate ng bansa dahil sa tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin bunga ng mataas na presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.
Dama na ngayon ng mga kababayan natin ang sitwasyon at naghahanap na ng paraan upang makaraos sa patuloy na pagtaas ng mga produktong petrolyo gayundin ng iba pang mga bilihin.
Dahil sa sobrang taas ng presyo ng langis, naapektuhan ang pang-lupa at pang-karagatang transportasyon na siyang paraan upang makabiyahe ang mga mananakay at mai-transport ang mga pangunahing produkto sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan.
Aabot umano ngayon sa 95 porsyento ng mga pangunahing pagkain at produkto ay dinadala sa bansa lulan ng malalaking barko sa tulong ng malalaking mga shipping company.
Ayon sa isa nating katropa sa pamamahayag, ilang shipping groups tulad ng Philippine Liner Shipping Association (PLSA), Philippine Coastwise Shipping Association (PCSA) at Philippine Inter-island Shipping Association (PISA) ang nanawagan na busisiin ang buwis na ipinapataw sa kanila ng Philippine Ports Authority (PPA).
Noong kasagsagan ng pandemya, napabalitang nagtaas bigla ang PPA ng singil sa paggamit ng mga pantalan ng Zamboanga at Tacloban, na lubhang nakaapekto sa operasyong pinansyal ng shipping lines.
Nagpatupad din ng dagdag singil ang PPA sa pantalan ng Zamboanga kahit na hindi umano sang-ayon ang lokal na chamber of commerce. Dahil dito, tumaas ang singil para sa mga general cargo at non-prime commodities mula 371% hanggang 406%. Ang buwis naman sa pantalan para sa mga container ay nadoble at tumaas ng 109%, habang ang prime goods ng 91%.
Sa pantalan ng Tacloban, nagtaas din ng singil ng hanggang 475% para sa general cargo at non-prime commodities, 119% para sa mga container at 200% para sa prime goods.
May mga Tier 3 na pantalan ang PPA na nagtaas din ng singil sa paggamit kagaya ng Iligan, Ozamiz, Calapan, Ormoc, Puerto Princesa, Legazpi, Surigao, Nasipit, Pulupandan, Matnog, Tabaco, Calapan, Fort San Pedro Iloilo at Pasig River port.
Ayon sa mga shipping association, hindi man lang sila umano kinonsulta ng PPA bago nagpatupad ng dagdag singil sa mga pantalan at pagsasalansan ng mga container.
Nangangamba ang mga association na bunsod sa pagtaas ng PPA ng singil sa mga pantalan, maaaring magbunga ito ng mas mataas na impact sa inflation dahil ang ipapataw na buwis sa kanila ay ipapasa rin sa mga konsyumer.
Isa pang bumabagabag sa mga shipping association, ayon sa aking katropa, ay ang pagpapatupad ng bagong policy ng PPA kung saan kailangang ikonekta ng shipping lines ang kanilang system sa PPA para sa pagpapatupad ng Unified Electronic Ticketing System. Hindi muna nagkonsulta ang PPA sa shipping associations para ipatupad ito.
Nais din ng PPA na maglagay ng tracking devices sa mga container van. Wala sa mandato ng PPA na i-track ang mga cargo pag nakalabas na ng bansa. Ang Bureau of Customs ang may tungkulin nito.
Kapag ipinatupad ito, karagdagang gastos na naman ang papasanin ng shipping lines, na ipapasa naman sa mga konsyumer.
Ayon sa mga malalaking shipping association, kung nais umano ng bagong administrasyon na sumigla muli ang ekonomiya at maibsan ang patuloy na pagtaas ng mga bilihin, kailangang tulungan din ang shipping lines para maibiyahe ang mga pangunahing produkto nang hindi sila sisingilin ng sobrang taas na buwis sa paggamit ng pantalan.
203 