NAKATAKDANG ipa-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang arestadong South Korean na pugante at wanted ng mga awtoridad sa kanilang bansa dahil sa telecommunications fraud.
Ayon sa report kay BI Commissioner Jaime Morente ng bureau’s Fugitive Search Unit (FSU), kinilala ang Koreanong 42-anyos na si Jung Inhyeok, naaresto noong Hunyo 13 sa Brgy. Poblacion, San Fernando, Cebu.
Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of deportation na inisyu ni Morente ayon sa summary deportation order ng BI board of commissioners na ipinalabas laban kay Jung noong nakaraang taon.
Ayon sa Interpol National Central Bureau (NCB) sa Manila, si Jung ay may outstanding warrant of arrest na inisyu ng Seoul Western District Court noong Abril 16, 2015 para sa kasong fraud.
Ang akusado ay kinasuhan ng fraud dahil sa pag-o-operate ng phone scam syndicate na nakapambiktima ng mahigit sa 65 million Korean won, o may katumbas na US$50,500, sa pamamagitan ng voice phishing na kung saan nagpapakilala bilang bank officials o sellers sa call center na matatagpuan sa Thailand.
Ang dayuhan ay pansamantalang inilagay sa BI Warden Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang nakabinbin ang deportasyon. (JOEL O. AMONGO)
204 