NEGOSYANTE NIRATRAT SA KOTSE

BATANGAS – Patay ang isang negosyante matapos na ratratin ng riding in tandem suspect habang pauwi sa kanilang bahay sakay ng SUV sa bayan ng Mabini sa lalawigang ito, noong Linggo ng gabi.

Hindi umabot nang buhay sa ospital ang biktimang si Marlon De Torres Olla, 47-anyos, residente ng Brgy. San Francisco, at may-ari ng Jhulimar junkshop and hauling services.

Batay sa report ng Mabini Police, dakong alas-8:30 ng gabi, minamaneho ng biktima ang kanyang SUV na Hyundai Sta. Fe pauwi at tinatahak ang Bauan-Mabini national highway.

Ngunit pagsapit sa Barangay San Juan ay nilagpasan ito ng isang walang plakang motorsiklo na sinasakyan ng magkaangkas na mga suspek.

Pagtapat sa biktima ay pinaulanan ito ng bala ng backrider gamit ang hindi natukoy na maiksing   baril.

Mabilis na tumakas ang hindi nakilalang mga suspek makaraan ang pamamaril. Isinugod ang biktima sa ospital subalit idineklara itong dead on arrival ng doktor.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente at inaalam ang motibo sa pamamaril at kung sino ang mga suspek. (NILOU DEL CARMEN)

134

Related posts

Leave a Comment