163 katao nasagip naman sa nasunog na barko FISHING BOAT TUMAOB 4 PATAY, 1 MISSING

BATAAN – Apat na mangingisda ang kumpirmadong namatay habang isa pa nilang kasamahan ang nawawala nang tumaob ang kanilang commercial fishing boat sa karagatang sakop ng bayan ng Bagac sa lalawigang ito.

Ayon sa inisyal na report ng Philippine Coast Guard (PCG) substation sa Morong, Bataan, nasa 45 pang mga mangingisda ang nailigtas.

Lumitaw sa pagsisiyasat, tumaob ang sinasakyang bangka ng mga mangingisda nang bayuhin sila ng malakas na hangin at malalaking alon habang nasa kasagsagan ng kanilang pangingisda.

Sinasabing nasa 18 nautical miles mula Bagac, Bataan ang malaking fishing boat nang ito ay sumalubong sa malakas na alon at tumaob, ayon salaysay ng 52-anyos na boat captain na kinilalang si  Gregorio Abong.

Kinilala ni Coast Guard PO1 Edward John Lazaro, Morong Sub-station commander, ang mga namatay na sina Gregorio Limboc, 43; Alexander Mesina, 52; Tirso De Guia, 45, at Edgar Balboa, 50, pawang mula sa Nasugbu, Batangas at mga crew ng Fishing Boat Twin Sister.

Patuloy pa ang paghahanap sa nawawalang crew na si Jemar Dacillo, 26, ng Nasugbu.

Ayon sa ulat, noong Hunyo 22 nang maglayag sa dagat ang mangingisda mula sa Nasugbu, Batangas ngunit dahil sa malakas na ulan at hangin kinagabihan habang nasa Bataan na sila, tumaob ang kanilang bangka bandang madaling araw noong Hunyo 23.

Nagpalutang-lutang ang ibang mangingisda hanggang sa makita sila ng iba pang mga mangingisda na sumagip sa kanila.

Samantala, kinumpirma ng Philippine Coastguard na 163 katao ang kanilang nasagip habang isang pasahero ang namatay at isa ang nawawala nang magliyab ang MBCA Mama Mary Chloe noong Linggo ng hapon habang naglalayag sa dagat na sakop ng Bohol at Leyte.

Ayon sa unang ulat, nasunog ang MBCA Mama Mary Chloe na may sakay na 166 katao habang nasa karagatang sakop ng Bohol at Leyte.

Mabilis namang nagresponde ang mga tauhan ng Philippine Coast Guard makaraang makatanggap na distress call at agad nagsagawa ng rescue operation katuwang ang isang passenger motor banca at maliliit na sea vessel.

Napag-alamang mula sa Ubay, Bohol ang naturang passenger vessel at patungo sa bayan ng Bato sa Leyte nang mangyari ang insidente. (JESSE KABEL)

174

Related posts

Leave a Comment