BATANGAS – Patay ang isang lalaki habang isa pa ang sugatan matapos na mabundol ng SUV na minamaneho ng isang binatang nakainom sa national highway sa Lipa City, Linggo ng madaling araw.
Kinilala ng Lipa City Police ang namatay sa insidente na si Limuel Quiambao, 29, habang sugatan at nakaratay sa ospital dahil sa mga pinsala sa katawan ang 17-anyos na si Jay Em Yumol.
Ang dalawa ay parehong construction worker at mga residente ng Arayat, Pampanga.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, bandang alas-3:30 ng madaling araw, naglalakad ang mga biktima sa shoulder ng JP Laurel Highway sa Barangay Marawoy nang bigla silang mahagip ng humaharurot na Mitsubishi Montero Sport.
Naisugod pa sa Lipa City District Hospital ang mga biktima ngunit idineklarang dead on arrival ng doktor si Quiambao.
Naaresto naman ng mga pulis ang driver ng nakasagasang SUV na Montero Sport na si Patrick Kyle Castillo, 24, taga Barangay Bagong Pook, Lipa City.
Ayon sa pulisya, umaming nakainom ang driver nang mangyari ang insidente.
Nasa kustodiya ng Lipa City Police Station ang suspek na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and physical injury. (NILOU DEL CARMEN)
