(RENE CRISOSTOMO)
MULING ipinaalala ng Philippine National Police (PNP) sa mga manonood na iwasang magdala ng backpack sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. sa National Museum sa Maynila ngayong Biyernes, Hunyo 30.
Ayon kay PNP Director for Operations Police Major General Valeriano De Leon, inaasahan nila na marami ang pupunta para masaksihan ang oath-taking ng bagong Pangulo.
Kaya naman kabilang sa mga ipagbabawal ang pagdadala ng nasabing uri ng bag bagaman wala pa umanong naitatalang seryosong banta ang ahensya kaugnay sa inagurasyon.
Kasabay nito, pinayuhan ni De Leon ang mga may sakit o health conditions na huwag nang pumunta sa aktibidad at manood na lamang sa telebisyon.
Timeout sa F2F classes
Kaugnay nito, nag-abiso rin ang lokal na pamahalaan sa pansamantalang pagsasara ng ilang kalsada at suspensyon ng face-to-face classes sa ilang unibersidad na malapit sa pagdarausan ng inagurasyon.
Simula kahapon, Lunes hanggang Hunyo 30 ay walang pasok sa mga sumusunod na kolehiyo: Colegio de San Juan de Letran, Lyceum of the Philippines, Mapua University, at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila.
Ang klase sa nasabing mga araw ay gagawin muna “online” upang hindi mahirapan ang mga estudyante, guro at school employees sa posibleng abala na maidudulot ng road closures.
Ang June 30 ay deklaradong “special non-working holiday” sa Maynila para bigyang-daan ang panunumpa ni Marcos bilang ika-labing pitong Pangulo ng Pilipinas.
304
