BATANGAS – Tinamaan na naman ng fish kill ang ilog sa bayan ng Lian sa lalawigang ito, at nagsipaglutangan sa tubig ang iba’t ibang klase ng mga patay na isda.
Base sa Facebook post ng Lian LGU, nangyari ang fish kill noong Linggo ng tanghali sa nasabing ilog na nasa boundary ng Lian at bayan ng Nasugbu.
Agad ding nag-imbestiga ang lokal na pamahalaan at ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at kumuha ng sample ng tubig para malaman kung ano ang dahilan ng pagkamatay ng mga isda.
Pansamantala ring ipinagbawal muna ang pangingisda sa nasabing ilog.
Pero komentaryo ng mga netizen, hindi umano ngayon lamang nangyari ang fish kill sa ilog. Halos isang dekada na aniya itong paulit-ulit na nangyayari at isinisisi sa ilang pabrika na nasa baybay-ilog.
Ayon pa sa mga netizen, tatlong pabrika ang sabay-sabay na nagtatapon ng nakalalasong kemikal sa ilog at isinasabay ito kapag umuulan at hindi umano ito lingid sa kaalaman ng mga opisyal ng bayan.
Alam naman anila ng lokal na pamahalaan na polluted na ang ilog dahil sa mga planta sa kabila ng maraming residente ng Lian at Nasugbu ang umaasa ng kabuhayan sa pamamagitan ng pangingisda sa ilog.
Nanawagan ang mga residente sa mataas na opisyal ng DENR at pamahalaang nasyunal na aksyunan ang problema sa kanilang ilog. (NILOU DEL CARMEN)
856
