6 KALANSAY NADISKUBRE SA ALBAY MASS GRAVE

Anim na kalansay ng mga biktimang hinihinalang nilikida ng isang criminal group, ang nahukay ng mga miyembro ng National Bureau of Investigation-Bicol, kasama  ang mga tauhan ng militar at pulisya sa kabundukan ng Albay nitong Miyerkoles.

Ayon sa NBI-Bicol, ang naturang malawak at pribadong lupain sa kabundukan ng Barangay Molosbolos, Libon ay itinuturing na killing field at mass grave ng Gilbert Concepcion criminal group, na nag-o-operate sa Calabarzon at Bicol region.

Natukoy na ng NBI kung sinu-sino ang mga biktima, pero hindi muna pinangalanan dahil ipauubaya na nila sa mga naabisuhan nang kaanak na personal na kilalanin ang mga kalansay sa tulong ng narekober na mga gamit.

Pero hiniling na rin ng NBI ang dental records ng hinahanap na mga kaanak para mas mabilis ang pagproseso ng NBI-Manila Forensic Team sa mga kalansay na dinala sa opisina ng NBI-Bicol.

Ayon sa NBI, ang Concepcion group ang nasa likod ng ilang kaso ng pagdukot, pagpatay at pangingikil sa Cavite, Quezon at Bicol.

Kabilang dito ang pamamaril kay Malinao, Albay mayoral candidate Engr. Nelson Morales habang nasa simbahan noong Setyembre 2012, pagpatay kay Lupi Mayor Leo Raul Matamorosa habang nasa appliance repair center sa Naga City noong Oktubre 2012, at pagpatay sa radio anchor na si Joey Llana habang nagmamaneho ng sasakyan sa Daraga, Albay noong Hunyo 2018.

“We just exhumed 6 bodies actually. Syempre it is still for verification ang identities nila. So cannot confirm it yet because we still have to check with our forensic team tsaka ‘yung family if they are indeed those personalities,” ani NBI-Bicol Regional Director Paterno Morales.

Naniniwala naman ang team leader ng operasyon na si NBI Agent Jimenez  na ang nahukay na mga labi ay  kabilang sa magkapatid na isang babae at isang lalaki at isa pa, na pawang mga kontraktor ng government projects na dinukot noong Hunyo 2021.

Ang isa naman ay fish vendor at dalawa pa na magkapatid na reseller na dinukot din noong Marso 2022.

Isa mga nakikitang dahilan ng NBI sa paglikida sa mga biktima ay pagtanggi ng mga ito sa extortion activities at hindi pagbibigay ng protection money sa nasabing criminal group.

Ang dalawang reseller na magkapatid na taga bayan ng Minalabac sa Camarines Sur ay pinaghinalaan naman ng grupo na mga police asset na tumutugaygay sa kanilang criminal activities.

Ang natuklasang mass grave ay kumpirmasyon umano sa nakalap ng NBI na impormasyon, na tino-torture muna ang mga biktima bago ang karumal-dumal na pagpatay at paglibing sa kanila sa nasa 3-4 feet na lalim na hukay.

Ang lider ng criminal group na si Gilbert Concepcion ay dating miyembro ng NPA na pumasok sa pagsusundalo pero na-discharge matapos mag-AWOL.

Nakatakdang bumalik sa site ang NBI dahil marami pa umanong ‘missing individuals’ ang posibleng pinatay at inilibing doon.

Naniniwala rin si Jimenez na hindi lamang anim ang nakalibing sa naturang mass grave kundi marami pang ibang nawawala ang doon din inilagak ng grupo. “Actually may pampito kami, hindi na namin nakuha, balikan na lang namin. Hapon na. Hindi lang 6 ang pinatay at inilibing dyan. Hindi ‘yan bababa sa 30 katao,” ayon kay Agent Jimenez. (NILOU DEL CARMEN)

492

Related posts

Leave a Comment