EX-SOLON NASAWI SA BALA SA ULO

ISANG tama ng bala sa sentido ang tumapos sa buhay ng isang dating kongresista sa loob mismo ng kanyang tahanan sa lungsod ng Naga.

Sa paunang ulat ng Philippine National Police (PNP), dakong alas 7:00 ng umaga nang matagpuang wala ng buhay ni John Mark Patrick Señar ang duguang katawan ni dating Camarines Sur Rep Rolando “Nonoy” Andaya Jr.

Pagtatapat ni Señar na tumatayong personal assistant ni Andaya, isang putok ng baril ang kanyang narinig mula sa silid ng dating mambabatas.

Sa isang Facebook post, kinumpirma naman ng kanyang mga anak ang pagpanaw ng amang dating kongresista, kasabay ng paghingi ng panalangin sa kanilang padre de pamilya. Hiling din ng batang Andaya – sina Ranton at Katrina na bigyan sila ng pribadong panahon para sa angkop na pagluluksa.

“With deep grief and sadness, we announce the untimely death of our father… We request for your fervent prayers for his eternal repose, and to allow us, his family, to grieve privately our loss.”

Bukod sa mga impormasyong nakalap ng SAKSI Ngayon, walang ibang detalyeng ibinahagi ang pamilyang Andaya sa pagkamatay ng dating kongresista.

Higit na kilala si Andaya bilang kinatawan ng Unang Distrito ng Camarines Sur at Majority Floor Leader ng Kamara sa ilalim ng 17th Congress. Nanilbihan din ang biktima bilang Kalihim ng Department of Budget and Management (DBM) mula 2006 hanggang 2010 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Sa mga nakalipas na halalan, tinangka niyang bumalik sa pwesto subalit bigo naman manalo.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa naturang insidente. “As of the moment we are still coordinating with the SOCO for the findings of investigation conducted,” ani Major Malou Calubaquib, spokesperson ng PNP-PRO5.
Noong Hulyo 6, 2020 ay pumanaw ang misis ni Andaya na si Camarines Sur 1st District Rep. Marissa Andaya dahil sa sakit na cancer. (JESSE KABEL)

294

Related posts

Leave a Comment