AMO NAGBAKASYON, KASAMBAHAY INIWAN NAKAKULONG SA KWARTO

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

SUNOD-SUNOD na tawag sa ­telepono ang aking natanggap kahapon mula sa kapatid ng isang OFW na nasa Saudi Arabia. Ayon sa pinakahuling sumbong ni OFW Vina Cabahaga sa kanyang pamilya, nagbakasyon sa ibang lugar ang kanyang amo. Hindi lamang basta ito iniwan sa tahanan, bagkus ay ikinulong sa kwarto at hindi iniwanan ng pagkain.

Ayon sa sumbong ng nakatatandang kapatid nito na si Leonardo, hindi na rin nila natatawagan ang kanyang kapatid. Labis itong nag-aalala dahil halos apat na araw na itong hindi kumakain at hindi man lang makainom ng tubig.

Ayon sa pamilya ni OFW Vina, nakarating ito sa Riyadh, Saudi Arabia sa pamamagitan ng ahensyang High Mark International Manpower. Umalis siya ng Pilipinas noon pang Enero 18, 2018 kung kaya dapat ay noon pang taong 2020 ito nakauwi ng Pilipinas. Ngunit simula nang matapos nito ang kontrata ay tuluyan na itong hindi pinauwi ng kanyang amo.

Malimit na itong nakikiusap sa kanyang amo, ngunit imbes na pauwiin ay lalo pa itong hinigpitan at sa pinakahuling sumbong nito ay ikinandado pa sa kanyang kwarto.

Ang sumbong na ito ni OFW Vina ay agad nating ipinarating kay OWWA Welfare Officer Racquel Kunting para sa mabilis na pakiki­pag-ugnayan sa pulisya kung kina­kailangan. Samantala ang AKO OFW ay labis ding nakikiusap sa HIGH MARK INTERNATIONAL MANPOWER para sa mabilis na pagtugon upang masaklolohan nito ang kahabag-habag na si OFW Vina.

***

SIMULA pa noong Hulyo 8, 2022 ay nagpatawag ng Consultation Meeting si Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan “Toots” Ople upang talakayin ang mga panuntunan para sa paggamit ng “Aksyon Fund” alinsunod sa itinalaga sa bagong batas na nagbubuo ng DMW.

Una nang inimbitahan ang mga opisyales ng POEA, Department of Foreign Affairs-OUMWA, OWWA at iba pang ahensya. Sinundan naman ito ng mga kinatawan ng mga Filipino Communities sa Middle East, Europe at Africa.

Kabilang din sa inimbitahan ay ang mga representante ng Philippine Recruitment Agencies (PRA) at mga non-government organization o NGO. Inaasahang isasapinal na ang alituntunin nito sa darating na Biyernes.

Napakahalaga ng AKSYON FUND na ito dahil dito nakasalalay ang pondo na gagamitin sa pagtugon sa mga OFW na nangangailangan ng tulong. Kabilang dito ang Legal Assistance Fund na matagal na nating iminumungkahi na hindi lamang gamitin para sa mga kasong criminal, bagkus dapat din nitong pondohan ang mga kasong may kinalaman sa mga kaso ng paglabag ng mga employer o “labor related cases”. Simple lamang ang ating paniniwala na hindi hahantong sa krimen ang mga kaso ng mga OFW sa ibang bansa kung naagapan nang mas maaga ang hindi pagkakaunawaan ng amo at manggagawa.

***

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa email address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com

287

Related posts

Leave a Comment