Sa basbas ni Pangulong Marcos SCHOOL OPENING TULOY SA AUG. 22 – VP SARA

(ENOCK ECHAGUE)

TINIYAK ni Vice President at Department of Education Secretary Sara Duterte-Carpio na wala nang atrasan ang itinakdang class opening sa August 22 ngayong taon.

Sagot ito ni Duterte sa panawagan ng ilang sektor na ipagpaliban ito.

“Iyong school year po natin ay approved na ng Pangulo, August 2022 to July 2023,” paglilinaw ni Duterte.

Kasabay ito sa panawagan ng guro partikular ang Teachers Dignity Coalition na ipagpaliban ang pagbubukas ng klase upang bigyan ng sapat na panahon ang mga guro at estudyante na makapaghanda para sa in-person classes.

Ani Duterte, ipatutupad ang combined in-person classes at distance learning mula Agosto hanggang Oktubre.

Habang ang five-day face-to-face classes ay magsisimula naman sa Nobyembre.

Naniniwala si Duterte na ligtas nang makapagbukas ang mga eskuwelahan dahil dalawang taon na umanong nailatag at naisaayos ang mga health protocol.

“The difference now is we know the health protocols by heart, we have vaccines and we have a lot of supply of it, and we have COVID-19 medicines,” ayon kay Duterte.

No class size limit

Kaugnay nito, hindi rin magtatakda ang DepEd ng class size limit sa oras na magpatuloy na ang face-to-face classes sa Nobyembre.

Ani VP Duterte, walang “prescribed class size” dahil magkakaiba naman ang school classroom situations.

Gayunman, tiniyak nito na oobligahin pa rin ng DepEd ang mga eskuwelahan na tiyakin ang health protocols, partikular na ang physical distancing. Dapat aniya itong masunod habang nagkaklase.

“Hindi kami naglagay [sa department order] ng exact size ng class dahil iba-iba ‘yung situation ng lahat ng mga schools natin. There are no schools na pare-pareho sila exactly sa kanilang classrooms and sa kanilang teachers,”ang pahayag ni Duterte.

“So ang nilagay natin doon at in-approve din ng Pangulo during the cabinet meeting is that physical distancing shall be implemented whenever possible,” aniya pa rin.

Tinukoy ni Duterte ang DepEd Order No. 34, kung saan inatasan ang lahat ng public at private schools na mag-shift sa limang araw na face-to-face classes simula sa Nobyembre 2.

Ayon sa nasabing kautusan, “distance and blended learning will no longer be allowed starting that day.”

Nakasaad din sa kautusan na ipinagbabawal sa mga estudyante at school personnel ang pagkain nang magkakasabay kung limitado ang espasyo sa eskwelahan.

“Naglagay lang din kami doon ng guide about eating dahil ito ‘yung isa sa mga instances na nagtatanggal tayo ng mask, na eating together should be prohibited,” ani Duterte.

“Kung limited yung spaces doon sa loob ng eskwelahan, para tayo ay maghiwa-hiwalay habang kumain ay we all eat facing the same direction. So hindi po magkaharap yung mga tao,” dagdag na pahayag nito. (May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)

129

Related posts

Leave a Comment