TATANGKAIN muli ng mga militanteng grupo na tanggalin ang parusa sa kasong libel matapos itong hindi pansinin ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa nakaraang labing limang (15) taon.
Unang tinangka ng mga militanteng solon na idecriminalized ang libel noong 14th Congress o taong 2007 subalit hindi inaksyunan ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Huling inihain ang nasabing panukala noong 18th Congress subalit hindi pa rin ito nakaabot sa plenaryo ng Kamara dahil natulog sa House committee on information.
Gayunpaman, ayaw itong isuko ng mga militanteng kongresista sa pangunguna nina ACT Teacher party-list Rep. France Castro, Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas at Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel kaya muli nila itong ihahain ngayong 19th Congress.
Tulad ng mga nakaraang panukala, nakapaloob sa House Bill (HB) 1769 o Decriminalizing Libel na inakda ng tatlong nabanggit na mambabatas na tanggalin nang tuluyan ang parusa sa libel case.
Sa kasalukuyan, kabilang sa parusa sa libel na karaniwang isinasampa sa mga mamamahayag ay kulong o kaya multa subalit panahon na umano para tanggalin ang mga ito dahil ginagamit lamang ito para iharass ng mga opisyales ng gobyerno at pribadong mamamayan ang mga mamamahayag.
Ginamit umano ng Duterte administration ang nasabing kaso laban sa kanilang mga kritiko kaya nanganib ang demokrasya dahil sa dami ng mga mamamahayag na kinasuhan.
Lalong dapat anilang tanggalin ang parusa sa libel dahil sa Republic Act (RA) 10175) o Cybercrime Law of 2012.
“The contentious provisions of RA 10175 already cast a chilling effect over the exercise of free expression online. The Duterte administration was rampant in attacking critics to silence all kinds of dissent,” ayon sa panukala. (BERNARD TAGUINOD)
