SA GANANG AKIN Ni JOE ZALDARRIAGA
ISA sa mga hinihintay ngayon ng publiko ay ang anunsiyo ng pangulo kung sino ang susunod na magiging kalihim ng Kagawaran ng Kalusugan o Department of Health (DOH).
Ito ay napakahalaga sapagkat ang kalihim ang makatutulong sa paggabay sa ating pamahalaan sa mga dapat gawing aksyon ng pamahalaan upang kontrolin ang pandemyang dulot ng COVID-19 na hindi na muling makokompromiso pa ang kalagayan ng ating ekonomiya na isa sa mga lubos na naapektuhan sa loob ng mahigit dalawang taon.
Dahil dito, higit na kailangan ng Pilipinas ng isang kalihim na may malalim na kaalaman sa pampublikong kalusugan na magbibigay sa atin ng tamang gabay upang ganap nang mapuksa ang pandemya.
Noong Huwebes, itinalaga bilang officer-in-charge (OIC) si DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire habang wala pang napipiling opisyal ang pangulo upang mamuno ng DOH. Maaaring i-extend ang OIC status ni Vergeire kung wala pa ring mapapangalanang kalihim hanggang July 31.
Kahit OIC status man, maganda ang desisyong ito ng pangulo sapagkat si Vergeire ay may lubos na kaalaman sa sitwasyon ng COVID-19 sa ating bansa. Dagdag pa, siya rin ay walang takot na humaharap sa publiko upang sagutin ang lahat ng mga katanungan tungkol sa sitwasyon ng pandemya sa bansa.
Batid man natin ang urgency sa pagpili ng susunod na kalihim ng departamento, batid din naman natin ang kahalagahan sa pagpili ng tamang tao para sa posisyong ito na makakaintindi rin sa mga kagustuhan ng pangulo at sa mga pangangailangan ng bansa.
Maaaring napakaraming mga eksperto sa larangang medikal ang maaaring pagpilian ng pangulo ngunit naniniwala akong isa si Vergeire sa mga may higit na kakayahan na dapat bigyang pagkakataon bilang magiging kalihim ng DOH lalo pa sa panahon ngayong patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 na inaasahan pang magtutuloy-tuloy kung hindi agad maaagapan at kung patuloy ang mamamayan sa pagiging kampante sa paniniwalang sila ay ligtas na mula sa naturang sakit.
Ang pagtatalaga sa isang kalihim na may kakayahan upang isaayos ang kagawaran ay isa sa magiging susi sa ating paglaban sa COVID-19.
Ngunit habang tayo ay naghihintay sa susunod na mamumuno, dapat ay ipagpatuloy pa rin natin ang mga basic protocol upang labanan ang sakit katulad ng paghuhugas ng kamay, pag-obserba ng social distancing lalo na sa closed spaces, pagsusuot ng face mask, at pagpapabakuna ng pangalawang booster shot.
Kung hindi man si Vergeire, magtiwala tayo na pipiliin ng pangulo ang pinakakarapat-dapat na opisyal upang mamuno sa kagawarang ito.
Nauna na ang pagpili ni BBM sa kanyang economic team na umani ng papuri mula sa business community at ng sambayanan. Asahan nating pipiliin din niya ang tamang indibidwal para sa Kagawaran ng Kalusugan.
149