INARARO ng isang lasing na Chinese national ang ilang sasakyan naging dahilan upang tugisin ito ng mga operatiba ng Manila Police District hanggang sa madakip ang suspek noong Huwebes ng hapon.
Nangyari ang insidente dakong alas-6:00 ng gabi bago nakorner sa tulay ng Delpan ang suspek na kinilalang si Clint Xerwin Kho alyas “Errol Fulleros”, 34, residente ng EDSA, Balintawak, Quezon City.
Batay sa ulat ng Manila Police District, nagsimula ang habulan sa pagitan ng suspek at ng pinagsanib na puwersa ng pulisya sa Claro M. Recto Avenue sakop ng Tondo.
Galing umano sa Jose Abad Santos si Kho na lulan ng puting kotse (POQ-883) nang araruhin ang ilang sasakyan.
Unang binangga ni Kho ang mga sasakyan sa Moriones at sa Juan Luna streets sa Dagupan sa Tondo.
Maging ang mga motorsiklo ay pinagbabangga rin ni Kho ngunit wala namang nasaktan.
Pinaputukan ng nagrespondeng mga tauhan ng District Tactical Motorized Reaction Unit ang gulong ng sasakyan ng suspek subalit nagtuloy-tuloy pa rin ito hanggang sa makorner sa Delpan Bridge.
Bukod sa DTMRU, nagresponde rin ang mga tauhan ng Manila Traffic Enforcement Unit na pinamunuan ni P/Major Anthony Olgado, at ang mga tauhan ng Special Weapon and Tactics (SWAT) ng MPD.
Matapos masukol, pinadapa at saka pinosasan si Kho at bago dalhin sa Traffic Bureau ay isinailalim sa medical check-up at nagpositibo sa liquor breath testing
Nahaharap ang suspek sa kasong reckless driving resulting in multiple damage to property. (RENE CRISOSTOMO)
281 