KONTI NA LANG, FULLY AUTOMATED NA – BOC

boc

SA pagbaba sa pwesto ni former Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, ibinida niya ang kanyang iiwanang legasiya sa kawanihan – ang 91.8% completion rate ng automation ng mga transaksyon ng Bureau of Customs (BOC) na kanyang pinamunuan mula 2019 hanggang sa pagtatalaga kay Yogi File­mon Ruiz bilang kapalit niya sa naturang ahensya.

Sa isang kalatas, hayagang ipinagmalaki ni Guerrero na fully-automated na ang 156 sa 170 customs – export process sa bisa ng 33 information and communications technology (ICT) projects na isinulong sa nakalipas na tatlong taon.

Ani Guerrero, nasa 28% lamang ng mga transaksyon ng kawanihan ang automated nang bumaba sa pwesto ang noo’y Pangulong Benigno Aquino III taong 2016.

Pag-amin ni Guerrero, kinapos lang siya ng panahon kaya’t hindi naaabot ang 100% automation ngayong taon, batay na rin sa kanyang pagtatayang kalakip ng ulat na isinumite ng kanyang tanggapan sa noo’y Finance Secretary Carlos Dominguez.
Ayon sa dating BOC chief, malaking bentahe ang tinawag niyang “digitalization” sa kampanya ng pamahalaan kontra korapsyon. Paliwanag pa niya, nababawasan ang mata-sa-matang transaksyon na aniya’y karaniwang nauuwi sa “aregluhan” sa mga bulilyasong kargamento, dispalinghadong dokumento at mga iligal na kontrabando tulad ng mga droga, ukay-ukay, segunda manong luxury cars at iba pa.

“Aligned with the zero-contact policy, the BOC created customer care centers in the 17 collection districts to streamline customs processes and limit face-to-face transactions between the BOC and stakeholders while ensuring efficient trade facilitation,” saad naman ng pahayag ng BOC.

Kabilang rin sa mga nailatag na programang ka­lakip ng reporma sa ahensya ang paglulunsad ng I-Declare na nagbigay daan para sa online declaration ng mga bagahe at kargamento bago pa man lumapag sa bansa.

Pasok din ang online payment system para sa buwis at taripang kalakip ng pumapasok at lumalabas na kargamento, automated bonds management system, authorized economic operator (AEO) program kung saan nakatala sa isang online portal ang mga lehitimong traders at operators sa hangaring iwaksi ang pamamayagpag ng mga manggagantso.

Kabilang din ang automated inventory management system (AIMS) para sa mga Customs-bonded warehouse at electronic
advance ruling system – bukod pa sa ISO certification na nasungkit ng ahensya sa nakalipas na tatlong taon. (JO CALIM)

250

Related posts

Leave a Comment