PUNA Ni JOEL AMONGO
ITO ang kwento ng isang pamilya na dumulog sa PUNA na pinaaalis ng kanilang kamag-anak sa kinatitirikan ng kanilang bahay sa lupain sa Brgy. Banaga, Bugallon, Pangasinan.
Batay sa sulat ng magkapatid na Neresa Molano-Abalos at Mirasol Molano kay Regional Director Region 1, Dagupan City, Pangasinan partikular kay Mr. Frank Vicente Panglose, CENR Office, hinihiling nila na ipakansela ang “Application for Free Patent” na inihain noong Marso 28, 2022 ni Dr. Rowena Molano Mullaneda na kanilang pinsan.
Ito ay may kaugnayan sa Lot 6463 of Survey No. 514-D na may lawak na 2,013 square meters kung saan nakatira ang mga magulang nina Neresa at Mirasol na sina Jose at Josie Molano sa loob ng mahigit 30 taon.
Si Jose Molano ay tiyuhin ni Dr. Rowena Molano Mullaneda dahil nakababatang kapatid ito ng kanyang ina na si Violeta Molano Mullenada na panganay naman sa limang magkakapatid.
Nabigla ang mag-asawang Jose at Josie Molano na may “Application for Free Patent” na pala sa lupain si Dr. Rowena Mullaneda sa CENRO nang magkaharap sila sa Brgy. Banaga dahil sa usapin ng pagpapaalis sa kanila sa lugar. Ibang klase, kahit kadugo walang pinipili basta lupa ang pinag-uusapan.
Sa sulat mula sa Evangelista Law Office, pinaaalis ang mag-asawang Jose at Josie Molano sa lugar sa loob ng labing limang (15) araw.
Kung hindi sila aalis sa lugar ay sasampahan sila ng kaukulang kaso ng Evangelista Law Office na kinuha ng mag-inang Violeta at Dr. Rowena Molano Mullaneda .
Nakapaloob pa sa sulat ng magkapatid na Neresa at Mirasol na ang nabanggit na agricultural land ay binili sa murang halaga ng kanilang mga lolo at lola na sina Vicente Molano at Teodirica Prado Vinluan Molano sa kalagitnaan ng 1980 subalit wala pang titulo.
Nagdesisyon ang matatanda na makisama na lamang sa kanilang anak na si Jose na asawa ni Josie Molano sa maliit nilang bahay na pumayag naman ang iba nilang mga anak na mga kapatid ni Jose.
Nangako ang matatandang mag-asawang Vicente at Teodirica na si Jose ang magmamana ng nasabing lupain na hindi rehistrado dahil siya lang ang anak na tumira nang matagal sa kanilang lugar.
Nang bumisita si Violeta sa bahay ng kapatid niyang si Jose para dalawin ang kanilang tatay (Vicente) ay nakiusap ito na tumira muna kasama ng kanilang mga magulang (Vicente at Teodirica).
Noong 2004 ay muling bumisita si Violeta sa kanilang mga magulang (Vicente at Teodirica) at isinama niya ang mga ito sa kanilang bahay sa San Pedro, Laguna.
Taong 2005, namatay ang kanilang ama (Vicente) na inilibing sa kanilang bayan sa Bugallon, Pangasinan.
Makalipas ang apat na taon ay pumanaw na rin ang kanilang ina (Teodorica) subalit hindi na ito naiuwi sa kanilang probinsya sa Pangasinan.
Noong 2019 ay muling bumisita si Violeta sa kanyang kapatid na si Jose sa Pangasinan at nagpaalam siya rito na maglalagay siya ng extension room bilang bakasyunan nilang mag-anak na pumayag naman ang nakababatang kapatid .
Habang ginagawa ang naturang kuwarto ay nagkaroon ng pagtatalo sina Violeta at ang kanyang hipag na si Josie dahil sa halip na extension room ang ipinagagawa ay naging ‘grand residential structure’ na ito.
Natapos ang gusali noong 2020 na ang sinabing extension room ay naging two-storey house na.
Hindi pa nakuntento si Violeta sa pagpapatayo ng dalawang palapag na bahay sa tabi ng malakubong bahay ng mag-asawang Jose at Josie Molano kalaunan ay nag-file pa ito ng “Application for Free Patent” para sa nabanggit na lupain.
Ikinabigla naman ng mag-anak na Jose, Josie at kanilang mga anak na sina Neresa at Mirasol kung kaya’t minabuti nilang sumulat kay Mr. Frank Vicente Panglose, CENR Office, para ipakansela ang nabanggit na aplikasyon.
Umaasa ang mag-asawang sina Jose, Josie at kanilang mga anak na sina Neresa at Mirasol na pakikinggan ang kanilang sulat dahil sila ang lehitimo at matagal nang nakatira sa lupain.
Ayon pa sa sulat ng magkapatid sa CENRO, ang kanilang tiyahin na si Violeta ay hindi nanirahan nang matagal na panahon sa kanilang lugar dahil ang bahay nito ay nasa San Pedro, Laguna.
Sana ang CENRO ay pumanig sa tama, hindi sa may pera.
Ang usapin na ito ay babantayan natin hangga’t hindi nabibigyan ng tamang pagtrato ang pamilyang nararapat na makinabang sa lupain.
‘Wag po natin pagsamantalahan ang kahinaan ng ating kapwa, lalo pa kung kadugo natin sila.
Lahat ng mga ari-arian natin ay hindi natin madadala sa hukay kung tayo ay mamatay na.
Mas makabubuti na maaalala tayo sa pamamagitan ng ating mabubuting mga gawa hindi sa pang-aapi ng ating kapwa.
Sinikap po ng PUNA na makuha ang panig ng mag-inang Violeta at Rowena subalit hindi natin sila makontak.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
236 