LOCAL DISASTER RESILIENCE MECHANISM DAPAT PALAKASIN

IGINIIT ni Senador Robin Padilla na panahon na upang palakasin ang disaster resilience at response lalo na sa lokal na lebel matapos ang lindol na naramdaman sa ilang bahagi ng Luzon kasama ang ilang parte ng Metro Manila.

Ayon kay Padilla, malaki ang magiging tulong ng Medical Reserve Corps at pagmandato ng Reserve Officers Training Corps (ROTC) na binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address noong Lunes.

“Siguro ang palakasin muna natin kasi meron tayong mga regional disaster response, na nandiyan na sila. Palakasin natin sila, bigyan ng pondo. Ang gusto ko lang imungkahi palagi, bigyan natin ng kalayaan ang regional na magdesisyon sa sarili nila. Kasi ang pagresponde depende kung sinong teritoryo kung sino taga doon mas alam nila,” saad ni Padilla.

Ito aniya ang dahilan kung bakit bagama’t may tiwala siya na matibay ang gusali ng Senado, sumunod siya sa utos ng pamunuan ng Senado na lumabas ng gusali.

“Kailangan po natin magdagdag ng pagiging handa. May magandang panukala ang ating mahal na Pangulong Marcos na magkaroon ng medical reserve corps. Bukod po yun sa pagmandato sa ROTC. Kailangan natin gawin yan at ganoon din dati noong 18th Congress, alam ko na-filed ito ni Sen. Bong Go, na mahandaan sa ganitong mga disaster. Siyempre sa climate change di natin maiwasan ito lalo na ang Pilipinas, lagi tayong tinatamaan,” dagdag ng mambabatas.

Ayon kay Padilla, nasa opisina siya sa ikalimang palapag ng Senate building at naghahanda sa briefing ng kanyang legal team nang naramdaman niya ang pagyanig.

“Nakita ko ang tuwalya gumaganun sabi ko lumilindol. Sinabi ko sa kasama ko lumilindol ha, walang magpa-panic,” giit ng mambabatas. (DANG SAMSON-GARCIA)

123

Related posts

Leave a Comment