MATAPOS maisabatas ang hiwalay na kulungan sa heinous criminals, isinusulong ni Senador Robin Padilla ang “regionalization” ng New Bilibid Prison at ibang penal farms sa bansa.
Sa Senate Bill 235, iminungkahi ni Padilla ang pagtayo ng penitentiary system sa 10 rehiyon – sa Regions 1, 2, 3, 5, 6, 8, 9, 10, 12 at 13.
Layon nito na mabawasan ang pagsisiksikan ng mga preso at matiyak na mabibisita sila ng kanilang mga mahal sa buhay.
Idinagdag pa ng mambabatas na para rin ito sa kapakanan ng mga presong binubuno ang kanilang sentensya habang naghihintay na muli silang makabalik sa komunidad.
Ayon kay Padilla, pito lang ang penitentiary institutions sa bansa sa kasalukuyan – ang New Bilibid Prison sa Muntinlupa City; Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City; Iwahig Penal Colony sa Puerto Princesa City, Palawan; San Ramon Prison and Penal Farm sa Zamboanga City; Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro; Leyte Regional Prison; at Davao Prison and Penal Farm.
Dahil dito, nahihirapan ang pamilya ng mga bilanggo na bumisita dahil kailangan nilang gumastos para sa pagbiyahe.
Sa ilalim ng panukala, ang lahat na itatayong penal farm ay may “standard and uniform design” para sa kulungan at pati reformation at administrative facilities.
Inaatasan ang Bureau of Corrections na lumikha ng infrastructure plan, i-coordinate ang pagtayo ng mga regional penitentiaries, at ipatupad ang decentralization at transfer ng mga bilanggo sa mga regional penal farms.(Dang Samson-Garcia)
237 