PANAHON nang papanagutin ang mga politiko na nananalo lang dahil bumibili ng boto.
Sa ipinasang panukalang batas sa mababang kapulungan ng Kongreso, isinusulong na gawing heinous crime ang vote buying na naglalayong ikulong mula 20 hanggang 40 taon ang sinomang politiko na bibili ng boto sa panahon ng eleksyon.
Maging ang mga magbebenta ng boto kapalit ng anomang halaga o kaya pangako na bibigyan ang mga ito ng trabaho kapag nanalo ang pinagbentahan ng boto ay ipakukulong din ng hanggang anim na taon.
Dahil dito, inihain ni Malasakit at Bayanihan party-list Rep. Anthony Golez Jr. ang House Bill (HB) 1709 o “Vote-Buying is a Heinous Crime Act” upang parusahan ang mga politiko at maging ang mga campaign officer ng mga ito na mamimili ng boto sa panahon ng halalan.
Ipinaliwanag ng mambabatas na panahon na para parusahan ang mga namimili ng boto para matiyak lang ang kanilang panalo na nagiging dahilan para mawalan ng karapatan ang mga Pilipino na bumoto ng nararapat na kandidato.
“Vote buying during election should be rejected with extreme repugnance. The current law and penalty against vote-buying is clearly not enough to deter vote-buying,” paliwanag pa ng mambabatas sa kanyang panukala.
Kapag naisabatas ang panukala, bukod sa ipakukulong ng hanggang 40 taon ang mga politiko na namimili ng boto ay pagmumultahin din sila ng P5,000,000 at hindi na maaaring humawak ng anomang posisyon sa gobyerno.
Maging ang kasabwat ng mga ito o ang mga campaign officer, organisasyon at tumutulong para bumili ng boto ay makukulong din ng mula 12 hanggang 20 taon at multang P3,000,000.
Pagmumultahin din ng P100,000 bukod sa isa hanggang anim na taong pagkakabilanggo ang mga mahuhuling nagbebenta ng boto at hindi rin sila puwedeng pumasok at magtrabaho sa gobyerno. (BERNARD TAGUINOD)
317
