(BERNARD TAGUINOD)
UPANG hindi mabaon sa utang ang mahihirap na pamilyang namatayan, itinutulak ngayon sa Kamara na isailalim sa regulasyon ng gobyerno ang bentahan ng mga kabaong.
“In the Philippines dying has become as costly as living itself,” paliwanag ni Cebu Rep. Franco Frasco kaya inihain nito ang House Bill (HB) No. 105 o Affordable Casket Act”.
Ito ay dahil sa tuwing mamamatayan ang mahihirap, dobleng hinagpis ang inaabot ng naiwang pamilya dahil sa mahal ng gastusin mula sa ataul na gagamitin hanggang pagpapalibing.
Depende aniya sa materyales na ginamit, nagkakahalaga ang isang kabaong ng mula P5,000 hanggang P110,000.
“However, the sad reality is that in most funeral parlors, there is no availability of affordable caskets. Hence, surviving family members are often left with no other options and, thus, constrained to purchase the available but expensive casket, which is beyond their financial capacity,” ani Frasco sa kanyang panukala.
Dahil dito, nadadagdagan aniya ang dalamhati ng mahihirap na pamilyang namatayan dahil bukod sa nawalan ang mga ito ng mahal sa buhay ay problemado pa ang mga ito kung saan kukunin ang bayad sa kabaong.
Upang maiwasan aniya ito, oobligahin ang lahat ng punerarya na magkaroon ng mura subalit disenteng kabaong na hindi lalagpas sa P20,000 ang halaga.
Sakaling walang murang stock na kabaong ang mga punerarya, oobligahin ang mga ito na ibigay kung ano ang meron subalit hindi dapat lalagpas sa P20,000 ang singil ng mga ito.
“Regulating the sale of caskets by funeral establishment to ensure availability of affordable caskets will definitely relieved grief-stricken families of the added financial burden,” ayon sa kongresista.
Kapag naging batas, ang lalabag na funeral parlor ay pagmumultahin ng P200,000 hanggang P400,000 bukod sa babawiin ang kanilang business permit.
